Kotong cops at enforcers dapat na sibakin kaagad

GUTOM dahil sa kawalan ng kita ang inaabot ng marami sa mga tsuper ng mga pampasaherong sasakyang panlupa.

Lalo na sa Metro Manila at karatig na mga pook o lalawigan.

Kambal na mabibigat na problema ang itinuturo ng mga tsuper na dahilan ng kanilang kawalan ng kita at gutom.

Op kors, andiyan ang napakamahal na gasolina at disel.

Pero ang kakambal nito ay ang pangongotong sa kanila ng mga pulis at trapik enporser na naglipana ngayon sa ngalan ng pis en order lalo na para sa Kapaskuhan.

oOo

Diyan sa problema sa sobrang mahal na langis, wala nang pag-asa si Juan kay PNoy.

Hindi pinakikinggan ni PNoy ang pagkalam ng sikmura ng kanyang mga boss na tsuper at lalong hindi nito naririnig ang mga iyak sa gutom ng anak ng mga tsuper.

Kaya naman, subukin nating isalang ang problema sa kotong.

Wais ang mga pulis at trapik enporser sa pangongotong, Suki.

Idinaraan ang lahat sa mga bayolesyon umano ng mga tsuper.

Por eksampol ang bayolesyon umano sa mga krosing sa kalsada na may mga bulag na ilaw at may tatlong segundo lang na pagpapalit ng trapik layt.

Kapag umangal ang isang tsuper, dagdag bayolesyon din ito.

Sa katatadtad ng bayolesyon sa tiket, lumalaki ang porsiyento ng mga kumag.

Ang masakit, Suki, guilty agad ang hatol sa mga biktima at kailangang magbayad ang mga ito para makaporsiyento ang mga kumag.

oOo

Ito ngayon ang hamon kay PNoy: kung magreklamo ba ang mga tsuper, pupuwede bang sibakin din agad ang mga kotongistang ito?

O magkaroon pa ng 9-9 na pagdinig bago mapawalang-sala ang mga ito?

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply