Krimen, giyera, trapik, gutom at oil price hike uli

NAGWAKAS na rin ang mahabang bakasyon ng milyon-milyong estudyante, obrero at empleyado.

Para sa mga estudyante, double vacation ang ginawa ng mga ito: bakasyon sa school at bakasyon dahil sa Undas.

Para sa mga obrero at empleyado, nakabakasyon lang mula nung Sabado hanggang ngayon.

Back to normal na ang buhay ng lahat.

Balik sa giyera, trapik, gutom, oil price hike, krimen at marami pang iba.

Dagdag-bawas sa langis

Habang taimtim na nagdarasal ang marami para sa kanilang mga yumao, nagulantang sila sa balitang nagdagdag-bawas uli ang mga kompanya ng langis sa presyo ng petrolyo.

Anak ng tokwa, P1 bawat litro ang oil price hike sa diesel at sinabayan ito ng kakatiting na bawas-presyo sa gasolina.

Gustong tsumamba ang mga kompanya ng langis dahil walang number coding at lahat, kasama ang mga dilapidated ay lumalabas at nagbibiyahe sa mga lansangan.

Malaking gastos uli ito hindi lang sa mga ordinaryong mamamayan.

Pero dagdag na kalugihan ito sa mga negosyo, kabilang na ang industriya sa transportasyon.

Ni ho, ni ha mula sa gov’t

Kahit gaano kasama ang ibinubunga ng mga oil price hike na ito, hindi maringgan ng kahit pag-angal ang mga hinayupak diyan sa pamahalaan.

Palibhasa, nasa P15 ang expanded value added tax nila sa bawat litro.

At mas malaki pa ang kita nila kaysa kita ng mga kompanya ng langis.

Cain at Abel

Na-shock tayo sa patayan ng mga magkakapatid na Bautista/Revilla.

Dalawa sa magkakapatid na Revilla, sina Ramon Joseph Bautista at Ramona Revilla, ang inginungusong utak o triggerman sa pagpatay kay Ram na isa sa maraming anak ni Nardong Putik.

Naulit ang kasaysayan nina Cain at Abel sa Bibliya.

Pinatay ni Cain si Abel dahil sa inggit.

Ganito rin ba ang kaso ng mga Revilla? O may mas malalim pang dahilan?

Sabagay, mga Bro, marami pa ang mga nagpapatayan na mag-anak.

Magulang versus anak, anak versus magulang, mister versus misis at kung ano-ano pa.

Nagkataon lang na sikat ang mga Bautista/Revilla dahil sa kagalang-galang na puwesto sa lipunan ng mag-amang senador na sina Ramon Revilla at Ramon “Bong” Revilla Jr.  kaya nagiging kontrobersyal ang kanilang kaso.

Sana’y makamit ng mga inosente at biktima ang katarungan diyan.

Sabi nga ni Senador Bong, masakit man, kinakailangang pairalin ang katarungan.

Giyera tuloy

Lumiliyab naman ang mga giyera sa pagitan ng gobyerno at mga rebelde.

Kaliwa’t kanan ang labanan sa pagitan ng mga sundalo at pulis laban sa mga rebeldeng Muslim, Komunista, Abu Sayyaf at iba pa.

Nakapanghihinayang dahil nahuhugot ng giyera ang mga pondo at tauhang dapat sana’y para sa lahat ng serbisyong bayan.

Giyera: Minero vs mediamen

Dumarami naman ang mga giyera sa pagitan ng pamahalaan at mining companies at mga tumututol dito.

Pati ang mediamen ay nadadamay rito gaya ng kaso nina Dr. Gerry Ortega na tinumba ng bala sa Palawan at ni Datu Roy Bagtikan Gallego sa Surigao del Sur.

Pinagpapatay sina Ortega at Gallego dahil sa pagtutol nila sa mapaminsalang pagmimina.

Magkakasabwat ang ilang opisyal ng pamahalaan at minero sa pagpaslang sa mga nagbabalita at nagbibigay-linaw sa mga isyu sa mga minahan.

Giyera patani ng mga pulitiko

Tuloy-tuloy naman ang mga giyera patani ng mga pulitiko.

Pinaglalabanan ang mga sakit ng isa’t isa at kung mabibilanggo o hindi ang maysakit dahil sa mga malakihang nakawan sa pamahalaan.

…At pandaraya na rin sa mga daan-daang milyon o bilyon-bilyong pisong mga kontrata sa helikopter, sa RORO, sa pier, sa pagkalkal ng putik sa Laguna de Bay at iba pa.

Sa bilangguan ang gusto ng mga ito na hantungan.

Kahit mag-Erap style sa huli na pagpapatawad ang ending.

P10 B PEACe bond, P35B na

Pati ang bilyon-bilyong pisong utang din gaya ng PEACe Bond nina Mam Dinky Soliman ay pinag-aawayan din nang todo.

Binuyo daw nilang umutang ang pamahalaan ng halagang P10B noong 2001 at nitong Oktubre 18, 2011 yata, eh, magbabayad ang gobyerno ng P35 bilyon.

Nakakomisyon daw sina Mam Dinky ng mahigit P1 bilyon at ibinuhos nila lahat sa mga mahihirap noon.

At ngayon, lalong maghihirap ang buong bayan sa pagbabayad ng P35B dahil sa maliit na pantulong sa mga mahihirap nina Mam Dinky noon.

Katakot-takot na trapik

Sasabay sa lahat ng mga problemang ito ang katakot-takot na trapik sa mga matataong lungsod gaya ng Metro Manila.

Ang ginhawa ng biyahe sa lansangan sa nakalipas na dalawang araw ay biglang maglalaho at papalitan ito ng trapiiiiiik hanggang Kapaskuhan na siguro.

Pero ang trapik na nilikha ng oil price hike, matitinding krimen, giyera ng mga lider ng bansa at malakihang utang kung isasama sa trapik sa lansangan ay talaga namang napakabigat.

Alam ba ninyo kung saan humahantong ang lahat ng mga problemang ito?

Tumitinding gutom ng dumaraming mamamayan ng mahal kong Pinas.

Kay lungkot, mga Bro, ang ating buhay.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply