Krimen sa panahon ng Pasko

NANGANGAMOY Pasko na, kaya asahan ang pagsaliwa ng peace and order. Ang mga kriminal, maghahasik na naman ng lagim.

Ganito ang trend  kapag sumasapit nga ang mahalagang Araw na ito ng taon, kaya, batid natin na alam ito ng kapulisan.

Ang hindi nga lang natin masiguro ay kung nakahanda ba ang kapulisan sa problemang ito kapag dumarating ang kapaskuhan.

Katunayan, sumampol na ang mga halang ang kaluluwa. At nangyari ito sa lungsod ni Mayor Enrico ‘Recom’ Echiverri.

Bukod sa tinangay na ang dalang P3 milyon, pinagbabaril at napatay pa ang tatlong kawani  ng Barangay 179, Caloocan.

Sakay ang isang government vehicle, patungo na ang mga biktima sa kanilang barangay nang paulanan ng bala ng mga suspek.

Ang pera na pampasuweldo sa mga kawani ng nasabing barangay ay winidraw ng mga biktima sa Land Bank sa Samson Road, Caloocan.

Ang masaklap, ang isa sa mga biktimang babae ay buntis ng pitong buwan kaya ang naging biktima ay apat, ayon sa pulisya.

Ito  ang pinakamatinding pag-atake ng mga kriminal sa panahon na ito ng kapaskuhan, ngayong taon.

Sa pangyayaring ito, sana’y magising,  maging alerto at higit  mag-ingat, ‘di lamang ang kapulisan, kundi tayong lahat.

Kapag may dalang pera, kailangang magmatyag sa paligid, lalo na ang mga nagwi-withdraw ng malaking halaga sa banko.

Kung kinakailangang may kasamang security guards o pulis ang mga nagwi-withdraw ng pampasuweldo, gawin natin.

Mahirap nang masingitan at pagsisihan pagkatapos, katulad ng nangyari sa kawawang tatlong kawani ng Brgy. 176 sa Caloocan.

MATRAPIK NA PASKO

Tuwing sasapit ang Pasko, inaasahan din ang pagsikip ng trapiko dahil sa naghambalang na pagawain ng DPWH sa kalsada.

Bukod sa mga street construction, isa pang nagdudulot ng problema sa daloy ng trapiko ay ang naghambalang na vendors.

Sa panahon kasi ng Pasko, sinasamantala ng mga vendor ang pagdami ng mamimili, kaya kahit saan inilalako nila ang kanilang paninda.

Oo nga’t iniintindi natin ang kanilang pananamantala dahil Pasko, dapat naman sigurong intindihin ng mga vendor ang kapakanan ng motorista.

Sa panahon ng Pasko, dapat magbigayan nguni’t ‘di dapat sa paraan na sinasalahula na natin ang umiiral na batas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply