Kritiko ni GMA lumalambot na ang puso

MISTULANG ‘lumambot na ang puso’ ng isang arsobispo ng Simbahang Katolika para kay dating pangulo, ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa tila ‘panggigipit’ sa kanya ng pamahalaan.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at kilala sa pagiging kritiko ni GMA, ‘legal’ nga ngunit ‘malupit’ naman ang pagsasampa ng Commission on Elections (Comelec) ng kasong electoral sabotage laban sa dating pangulo at pagpapaaresto pa sa kanya.

Sinabi ni Cruz na mahalaga rin na ang pagagawad ng katarungan ay may elemento ng pagkaawa at pagkahabag.

Tinukoy naman ng arsobispo na dapat ay binigyan ng konsiderasyon ng gobyerno ang kondisyon ng dating pangulo na halatang nahihirapan sa kanyang sakit.

Nagtataka rin si Cruz kung ano pa ang silbi ng warrant of arrest kung hindi naman mabibilanggo ang dating pangulo dahil malaki ang posibilidad na tuluyang payagan na ito sa hospital o house arrest.

Kumbinsido rin siya na minadali ang pagsasampa ng kaso at ang pagpapalabas ng warrant of arrest dahil desperado na ang gobyerno para tiyakin na hindi siya makakaalis ng bansa.

Duda rin si Cruz kung may kahihinatnan ang kaso dahil maaari aniyang abutin ng napakatagal na panahon bago matapos ang paglilitis sa kaso.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply