Laban kontra pekeng gamot pinaigting

LALO pang pinaigting ng pamahalaan ang kanilang kampanya laban sa mga pekeng gamot, kasabay nang paggunita ng National Consciousness Week Against Counterfeit Medicine sa susunod na linggo.

Ang okasyon na idaraos sa Nobyembre 21 hanggang 25, 2011 at may temang “Para sa Kalusugang Pangkalahatan, Salot na Pekeng Gamot Sama-Samang Labanan,” ay pangungunahan mismo ng Food and Drug Administration (FDA).

Nabatid na ang ikatlong linggo ng buwan ng Nobyembre kada taon ay idineklarang National Consciousness Week Against Counterfeit Medicine, alinsunod sa Proclamation No. 2082 na inaprubahan noong Hunyo 15, 2010.

Ayon sa FDA, magiging highlight ng aktibidad ang Bike to Fight Counterfeit Medicine na gaganapin sa Lunes, alas-6:30 ng umaga na magsisimula sa Muntinlupa City Hall patungo sa FDA.

Susundan ito ng ceremonial na pagsira sa mga counterfeit medicines at pledge of commitment mula sa mga ahensiyang sangkot tulad ng Department of Health (DOH).

Pinaigting ng FDA ang kanilang pagiging vigilante sa pag-monitor sa mga merkado laban sa mga counterfeit medicines katuwang ang iba pang government agencies.

Sinabi ng FDA na ang mga pekeng gamot ay makakasama sa kalusugan ng publiko at posibleng magdulot ng kamatayan.

Ipinaliwanag ng FDA na kung hindi mabigyan ng karampatang lunas ang isang pasyente ay tiyak na lalala ang kondisyon nito at maaari pang magkaroon ng maraming kumplikasyon ang kaniyang karamdaman.

Anang FDA, madali namang matukoy ang mga counterfeit drugs sa pamamagitan ng label nito na may ‘poor replicas’ ng genuine article, may mga tabletang irregular ang kulay at may solid particles sa mga suspensions, syrups at injectable formats.

Gayunman, aminado ang FDA na may mga pekeng gamot na maganda ang pagkakagawa at minsan ay mahirap na makita ang pekeng label at gamot mula sa orihinal.

Payo ng FDA, upang makatiyak na orihinal ang mga gamot na mabibili ay bumili lamang ng gamot sa mga botika o drug store na duly-licensed nila.

Dapat rin umanong humingi ng tulong ang publiko sa pharmacist-on-duty at kumuha ng resibo bilang proof of purchase na maaaring gamiting ebidensiya sakaling kakailanganing magsampa ng reklamo.

Hinimok pa ng FDA ang publiko na maging higit na ‘proactive’ sa kanilang laban kontra sa counterfeit medicines.

Binalaan rin ng FDA ang mga mahuhuling namemeke ng gamot na isasailalim sa criminal prosecution na may katapat na parusang multang P100,000 hanggang P500,000 at pagkabilanggo ng anim na buwan hanggang 10 taon habang ang mga drugstore establishments naman na sangkot sa trafficking ng counterfeit drugs ay kaagad na ipasasara.

May apat na pamamaraan umano upang makapag-report hinggil sa hinihinalang counterfeit medicines at ito ay sa pamamagitan ng pagtawag sa mga numerong 8078275 o 165-FDA (332), call/text 0909-2090500, email ireport.fda@gmail.com/ medsurveillance@yahoo.com.ph, o pag-fill-up ng Bantay Gamot Report Forms na makikita sa lahat ng FDA-licensed drugstores. Kyle Gatus

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply