Labanan ang tuloy-tuloy na pagpatay sa mediamen

GUGUNITAIN sa araw na ito ang pagmasaker sa nasa 34 kagawad ng media sa Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao.

Marami ang isinasagawang aksyon ng iba’t ibang grupo ng mediamen, sa loob at labas ng bansa, para alalahanin ang nakasusulasok sa konssiyensiya na pagpaslang sa ating mga kapatid sa hanapbuhay.

Pero sa totoo lang, maliit lang na bilang ang 34 na pinaslang sa Maguindanao kung ihahambing sa kabuuang bilang ng mga pinapatay na mediamen sa buong bansa simula noong martial law.

PAGPATAY MULA MARTIAL LAW

Sa pagtanaw natin sa kasaysayan ng pagpaslang sa mediamen simula noong martial law nakaririmarim isipin na hindi talaga pinahahalagahan ang buhay ng mediamen ng mga trigger happy, abusado sa kapangyarihan at tiwali.

Mula 1972 hanggang 1986 na panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, may nairekord na 34 na mamamahayag na pinagpapatay.

Sa panahon naman nina dating Pangulong Corazon Aquino, Fidel Ramos at Joseph Estrada, may napatay na nasa 50 mediamen.

Sa siyam na taon namang panunungkulan ni dating Pangulong Gloria Arroyo, may 103 na minarder na mediamen.

Nagbibilang na rin tayo ng mga napapatay na mediamen sa panahon ngayon ni Pangulong Noynoy Aquino.

Nakasusulasok sa ating isipan at damdamin na pinakamarami ang napatay sa panahon ni Aling Gloria.

MAY MGA PAPATAYIN PA

Ang ilang pagpaslang sa mediamen sa panahon ni Pangulong Noynoy ay palatandaan na hindi pa tapos ang tinatawag nating impunity laban sa mediamen.

May impunity o walang habas na pamamaslang sa mediamen dahil nakararami sa mga kaso ang walang kalutasan.

Nakararami ang walang kalutasan dahil mismong ga-ling sa pamahalaan ang mga namamaslang o nag-utos sa mga pagpatay.

PAGKALKAL SA KATIWALIAN

Nakatatakot mang isipin, maaaring marami pa talaga ang papataying mediamen sa mga susunod na taon.

Bakit?

Ito’y kaugnay ng kampanyan ni Pangulong Noynoy na buwagin ang katiwalian.

Kasama kasi sa kampanya laban sa katiwalian ang paglalabas ng mga balita ng media ng nasabing krimen.

BALA HINDI KASONG LIBEL

Hindi natin alam kung bakit puno ng mandurugas at  magnanakaw ang gobyerno.

Kahit ngayong nasa daang matuwid na tayo, gaya ng sinasabi ni PNoy, walang puknat ang mga nasa gobyerno sa pagnanakaw.

Basta may pork barrel na ipinahahawak sa taong gobyerno, tiyak na may mananakaw riyan.

Kahit sino pa ang tanungin mo.

Ibig sabihin niyan, mula sa Palasyo hanggang sa Kongreso at lokal na gobyerno may mga magnanakaw.

At kung nabubuking sila at nababalita, anak ng tokwa, yang bala ang itinatapat nila sa mga batang media sa halip na kasong libelo.

Kung magkakaso naman sila ng libelo, yang maningil ng milyong piso ang gusto.

Aba, milyon at bilyon na nga ang ninanakaw ng mga animal na ito, gusto pa nilang pagkakitaan ang purdoy na mediamen.

MAGBANTAY TAYONG LAHAT

Walang pangunahing maaasahan, mga Bro, kundi ang ating mga sarili para maipagtanggol natin ang ating buhay.

Tingnan ninyo, maraming lespu, sundalo at iba pa nating tagabantay.

Pero nalulusutan ang mga ito.

Habang tayo’y naglalakbay o nasa loob ng ating tahanan, pinapasok, inaambus at binabaril tayo.

Yang pagtutulungan hindi lang sa salita kundi sa gawa ay lubhang kailangan.

MAG-ARMAS KUNG KAILANGAN

Hindi masamang mag-armas tayo dahil kulang na kulang talaga ang mga pulis at sundalo para tayo’y bantayan sa ating mga krusada para sa katotohanan, katiwalian, pagsusulong ng malayang pamamahayag at pag-lilingkod sa bayan.

Problema nga lang sa walang kakayahan ng marami sa atin sa pagbili ng baril.

Ngunit hindi lamang baril ang pupuwedeng armas.

May ibang pananggalang sa sarili na pupuwedeng gamitin at kayo na ang bahalang mag-isip dito.

ANOMALYA SA LIGAL NA BARIL

Alam ba ninyo na hang-gang ngayon ay may anomalya sa pag-iisyu ng lisensiya at permit to carry ng mga baril?

At maging ang pagre-renew sa mga ito?

Nararanasan ito, mga Bro, ng mga may baril nating mga kasama.

Naniningil ang mga lintek na korap diyan sa mga opisina ng lisensiyahan ng baril ng matataas na fee.

Sa halip na ilang libo lang ang babayaran mo, nag-dodoble, nagtitriple yan.

Hindi kaagad maiisyu ang lisensiya at permit to carry at renewal ng mga baril kung hindi ka manunuhol.

CALLING GEN. BARTOLOME

Walang masama sa pagkakaroon ng baril at pinapayagan ito ng ating batas.

Pero kailangan lang na dumaan ka sa butas ng karayom sa pagkakaroon nito upang maging responsable kang gun holder.

Pero panawagan natin kay PNP chief Nick Bartolome na timplahin naman nito ang mga scalawag sa mga opisina na nag-iisyu ng lisensiya at permit to carry sa mga baril.

Isa ito sa mga dahilan, mga Bro, kung bakit patay na ang mediaman ay wala pang nakukuhang pananggalang sa sarili na kahit anong baril, kahit teka-teka lamang.

Anak ng tipaklong!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, o mag-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply