Lifetime Achievement Award kay La Aunor

TAUN-TAON pala mula ngayon ay sa Taguig City na idaraos ang Cinemanila International Film Festival–habang si Mrs. Lani Cayetano ang meyor du’n. Siyempre pa, payag naman ang founder at festival director ng Cinemanila na si Direk Tikoy Aguiluz.

Ngayon, 13 taon na ang Cinemanila, ang nag-iisang international film festival sa Pinas. Mistulang si Direk Tikoy ang pumalit kay Imelda Marcos na noon ay ang nag-iisang tao sa Pilipinas na may kakayahang mag-organisa ng international filmfest sa bansa. Pero mas nakabibilib ang kakayanan ni Direk Tikoy dahil isa siyang private citizen samantalang si Imelda ay unang ginang noon ng bansa.

Magaang ang loob ni Mayor Cayetano sa sining at industriya ng pelikula dahil hipag siya ng filmmaker na si Lino Cayetano. Misis ni Senator Peter Cayetano si Mayor Cayetano. Nakatatandang kapatid naman ni Lino sina Senators Peter at Pia Cayetano. Kilala rin natin si Direk Lino bilang ex-boyfriend nina KC Concepcion at Bianca Gonzales.

Ang pagiging permanenteng host ng Taguig City ang dahilan kung bakit magiging all-year round na ang mga aktibidad ng Cinemanila International Film Festival Foundation sa nasabing siyudad. Pagkatapos ng sabay-sabay na pagpapalabas ng halos 50 pelikula sa Market! Market! mall sa Taguig at sa High Street mula November 11 hanggang November 19, magpapalabas pa rin ng mga pelikula sa iba’t ibang barangay sa Taguig. Magdaraos rin ng filmmaking at film appreciation workshops sa Taguig sa 2012.

Sa pakikipagtulungan pa rin sa Cinemanila foundation, layunin ni Mayor Cayetano na makaakit ng international film production companies na magsyuting sa Taguig. Bukod sa napakamaaliwalas at sosyal na sosyal na Fort Bonifacio Global City, marami pang ibang lugar sa syudad na pwedeng pagsyutingan.

* * *

DUMATING naman si Nora Aunor sa opening ceremonies ng 2011 Cinemanila International Film Festival na idinaos sa Market! Market! mall nung Biyernes ng gabi. Buong ningning n’yang tinanggap ang Lifetime Achievement award mula sa festival director na si Tikoy Aguiluz.

Madali lang naman palang magpunta sa Market! Market! kahit di mag-taxi. May mga jeep pala papunta ru’n mula sa labas ng ABC Mall sa Guadalupe (kung saan may MRT station). May air-con bus din papunta ru’n sa tapat ng gasolinahan sa kanto ng Edsa at Ayala. Dose pesos lang pamasahe sa air-con bus. Marami pa kayong mapapanood na 2011 Cinemanila films duon, pati na ang mga pelikula ni Guy na Bona, Himala, Minsa’y Isang Gamu-Gamo, at Tatlong Taong Walang Diyos. Check n’yo sa Cinemanila website ang iskedyul.

Di na pala mataba si John Regala kaya di namin siya agad nakilala nung makasama namin siya sa isang lamesa habang hinihintay ng lahat ang pagdating ni Guy sa 2011 Cinemanila opening ceremonies. Sixty pounds daw ang nawala sa kanya sa pagkain ng di-luto na hinog na saging na saba.

Pure saging na saba diet daw ang ginawa n’ya. Ibig sabihin, pati rice daw ay hindi siya kumain sa loob ng tatlong buwan. Binigyang diin n’ya na huwag iluto ang saging na saba kapag nagda-diet dahil nawawala sa init at kulo ang mga sustansya nito. At totoo naman po na halos lahat ng gulay o prutas na niluluto ay bawas na ang sustansya.

Kapag overcooked nga ang gulay, mas maraming sustansya pa ang nawawala sa mga ito.

Si John pala ang pangunahing kontrabida sa Asyong Salonga na pinangasiwaan ni Direk Tikoy at nagtatampok kay ER Ejercito sa lead role. Isa ito sa entries sa darating na Metro Manila Film Festival.

Dumalo rin sa 2011 Cinemanila opening ceremonies si Ping Medina na pagkarating na pagkarating ay ibinalitang naiwan n’ya ang kanyang iPhone sa taxi. Unfortunately, hindi pala nakaugalian ni Ping na tandaan ang pangalan at plate number ng taxi na sinasakyan n’ya.

Nasa cast din si Ping ng Asyong Salonga, na ayon kay John ay sa Pagsanjan isinyuting, hindi sa Tondo. Dating meyor ng Pagsangjan si ER na governor ng Laguna ngayon. Ang misis n’yang si Marithez Samson ang meyor sa Pagsanjan ngayon.

Sinadya ni Tikoy na gawing black and white lang ang Asyong Salonga dahil period film nga ito. Tapos na tapos na ang pelikula. Ang tatapusin pa lang n’ya ay ang Emilio Aguinaldo kung saan kasali nga si Guy sa papel na misis ni Aguinaldo, na ginagampanan nga ng Laguna governor.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply