Limang araw na mahal na araw kina PNoy at Gloria

NAKITA o napanood ng mamamayan ang laro ng mga makapangyarihan nitong nagdaang mga araw.

Ibang klase kung maglaro ng patintero ang mga ito.

‘Yun bang === hulihan at lusutan kaugnay ng mga umiiral na batas.

Sa patinterong ito, kapag nahuli ka, hospital arrest, este, kulong ka.

Kapag nakalusot ka, asylum ka. ‘Yan ay kung may tatanggap sa iyo na ibang bansa bilang political refugee.

LIMANG ARAW NA PATINTERO

Nagsimula ang patintero noong Martes nang mag-isyu ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order laban sa Watchlist Order ni Justice Secretary Leila de Lima laban sa magdyowang Mike at Gloria Arroyo.

Sa araw na ito o kinagabihan, nagtangkang bumiyahe sina Aling Gloria pero in-off load sila sa eroplano.

Nabulilyaso ang pag-alis ng magdyowa nang pigilin sila sa NAIA at hindi pirmahan ng mga taga-BI ang kanilang mga papeles sa pagbiyahe.

Ayon sa mga insider sa DOJ, pinasara ang DOJ maging ang gate nito saktong 5:00 ng hapon para walang madatnan ang sheriff o process server ng Korte Suprema na tatanggap ng kopya ng TRO.

Ito’y kahit na magkarugtong ang building ng DOJ at Korte Suprema.

Meron ngang tagusan na pintuan ang dalawang building pero walang naabutan ang tagahatid ng sulat o desisyon ng Korte Suprema na taga-DOJ.

NO COPY, NO BIYAHE

Ang kawalan ng kopya ng DOJ ng desisyon sa TRO ang ginawang palusot nito para harangin sina Arroyo.

Sabi, hindi pupuwede ang laway lang para sundin ang Korte Suprema.

Eh ano kung lumabas sa media: radio, telebisyon at diaryo si Justice Midas Marquez?

Taray ito ng mga taga-DOJ.

MOTION FOR RECONSIDERATION

Kinabukasan, itinulak ng DOJ ang Solicitor General o abogado ng gobyerno na mag-file ng motion for reconsideration laban sa TRO.

Ito’y sa kabila ng sinasabi ng Korte Suprema na hindi pupuwedeng i-motion for reconsideration ang TRO.

At mananatiling epektibo ang TRO pabor sa pagbiyahe ng mga Arroyo.

Dito na rin binuhusan ng gasolina ang nagbabaga na paghingi ng asylum ng mga Arroyo sa mga bansang pupuntahan nila para makatakas sa umano’y krimen ng mga ito.

Kahit lumalabas na tsismis ito, ginawa nang totoo.

Hehehe!

Nagdesisyon ngayon ang Korte Suprema na dedesisyunan nila ang MR sa Biyernes.

ALA-HUWEBES SANTO

Lumipas ang Huwebes na lumiliyab. Parang bisperas ng Biyernes Santo na araw ng bitayan.

Habang nagtataas-baba ang dugo ni Aling Gloria sa St. Lukes Hospital, nagtataas baba naman ang dugo ng mga taga-DOJ at Comelec panel sa pagkukumahog na makabuo ng probable cause na magiging batayan ng demanda laban kina Arroyo.

Hindi na yata natulog ang mga taga-DOJ at taga-Comelec sa paghalikaw ng probable cause ukol sa pandaraya umano ng mga Arroyo noong 2007 elections.

Eh ano kung minsan pa lang na nag-hearing umano sila!

ALA-BIYERNES SANTO

Nakapagtatakang nagsimulang magsipirmahan ang mga komisyuner ng Comelec sa resolution na may probable cause laban kay Gloria sa election sabotage.

At itinakbo ito sa katanghaliang tapat sa Pasay RTC para masampahan na ng kaso sa election sabotage ang mga Arroyo.

Habang nagaganap ito, nasa alas-3:00 nga ng hapon ng sinentensiyahan ng Korte Suprema ang DOJ.

Pinanatili ng Korte Suprema ang TRO laban sa WLO at binasbasan nila ang karapatan ng mga Arroyo na lumabas ng bansa.

Sa Malakanyang, may boses doon na nagsabing hindi pa pinal ang desisyon ng Korte Suprema at makaraan nito, nagkaroon ng mahiwagang boses mula sa DOJ na lalong higpitan pa ang pagbabantay sa mga Arroyo para hindi sila makaalis.

Lahat na ng taga-Bureau of Immigration,  pati ang mga santo sa NAIA, sa airlines, sa Civil Aviation Authority,  mga pulis at militar, ay inutusan na magbantay.

WARRANT OF ARREST

Isang oras makaraan ang sentensiyahan sa Korte Suprema na nagsabing hiwalay na kaso ang nasa RTC, naglabas na ang Pasay RTC ng mandamiento de aresto.

Napigilan ang pagsasakatuparan ng TRO. Walang isang oras, nai-serve na ang warrant kay Aling Gloria at binalaang aarestuhin siya kung lalabas siya ng St. Lukes Hospital.

Kasunod nito ang pagpapakita ng pagmamalasakit ng mga taga-Palasyo at taga-DOJ kay Aling Gloria.

Lumusot naman si Big Mike sa kaso sa kakulangan umano ng ebidensya.

Pumasok ang Sabado, isa nang ganap na suspek sa krimen na may habambuhay na pagkabilanggo si Aling Gloria.

WALA PANG NAKATITIYAK

Ang totoo, wala pang nakatitiyak kung mapatutunayang guilty si Aling Gloria sa ibinibintang sa kanya.

Una, kuwestiyonable pa ang pang-aaresto sa kanya.

Ikalawa, kuwestiyonable rin ang korte na lilitis sa kanya.

Ikatlo, baka abutin, hindi lang ng siyam-siyam kundi deka-dekada pa ang kaso.

Baka wala na sa puwesto sina PNoy at De Lima, eh, wala pang desisyon sa kaso.

Ang ending kaya ay magiging weder-weder lang?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply