Mabubuntis si Marian Rivera next year pero hindi si Dingdong Dantes ang ama!

DALAWA lang yan sa mga walang takot na hula ni Bro. Mhon na siya umanong kapalit ng yumaong manghuhula na si Jojo Acuin.

Inuulit namin: hula lang ang mga iyan, kaya huwag kayong matigatig at mataranta. Di kayo kailangang maniwala.

Walang takot at walang kakurap-kurap na ipinahayag ni Bro. Mhon ang dalawang hulang yan sa isang press conference na idinaos nung Miyerkules ng tanghali sa Jade Valley Restaurant sa Scout Rallos St., QC.

Hindi naman nilinaw ng di-bading na manghuhula kung break na sina Marian at Dingdong pag nabuntis si Marian. Pero wala din naman kasing nakaalala sa aming press people na itanong sa napakaseryosong manghuhula kung break na o hindi pa yung dalawa sa sandaling mabuntis si Marian ng kung sinong Poncio Pilato. Ganu’n din naman sa kaso nina Shaina at John Lloyd. Kasi naman ay nirapido naming mga reporter ng tanong ang napakabait na manghuhula. Pati nga sexuality ng maraming artista, halos walang humpay naming itinanong. At walang preno rin namang sumagot ang Filipino-Chinese na manghuhula na produkto ng Catholic schools.

“Co” ang apelyido ni Bro. Mhon. Maliit lang siya: mga 5′ 4″ lang (samantalang ang yumaong Jojo Acuin ay halos six feet ang taas).

Di siya mataba. Di malaki ang tiyan. Hiwalay siya sa asawa. Pabiro naming itinanong kung lalake ba siya, bading o lesbian. Iginiit n’yang lalake siya. Basta, di siya tunog at kilos bading at all. Pero di rin naman siya trying hard na magpakalalaki. At di rin siya nanlilisik ang mga mata kapag nanghuhula o pumipikit papa mag-concentrate. Hindi rin siya pikon pag kinokontra mo ang hula n’ya nang pabiro. In short, cool na cool si Bro. Mhon.

Oo nga pala, gaya rin ng giit ng maraming psychics, batang-bata pa raw si Bro. Mhon nung madiskubre n’yang may di-pangkaraniwan siyang kalayahan. Six years old pa lang daw siya ay alam na n’yang kakaiba siya.

Napag-alaman namin na malapit na kaibigan at kabarkada siya ni Jojo Acuin.

Heto pa ang ibang hula ni Bro. Mhon na may kinalaman sa showbiz …

Hindi na babalik ang dating boses ni Nora Aunor. Acting na lang ang magiging career ng Superstar, hindi na pati pagkanta.

Hindi magtatagal ang relasyon nina Angel Locsin at Phil Younghusband.

Hindi na talaga magkakabalikan sina Claudine Barretto at Raymart Santiago.

May yayaong dalawang direktor: Yung isa ay dahil sa sakit at yung isa naman ay dahil sa aksidente.

Magiging presidente ng Pilipinas si Kris Aquino, pero magsisimula muna siya sa pagiging senador.

Pagiging vice president lang ang pinakamataas na aabutin ni Bong Revilla.

Gimmick lang ang relasyong Luis Manzano-Jennylyn Mercado. Hindi yon magtatagal. Cover up lang yon sa questionable sexuality ni Luis.

Sinabi namin sa isang kapwa reporter yung basa ni Bro. Mhon sa relasyon nina Luis at Jennylyn, at sa sexuality ni Luis. Hindi siya naniniwalang gimmick lang yon. Aniya, isang photographer ang nagkuwento sa kanya na minsan ay pinapunta siya ni Jennylyn sa bahay nito para bigyan siya ng financial help. Habang nandu’n umano ang photographer, dumating si Luis at tuluy-tuloy sa isang kuwarto na in-assume ng photographer na kuwarto ng aktres na dalagang ina.

Konektado nga pala si Bro. Mhon sa Risingstar Printing Enterprises na nagpa-publish ng mga magazine mainly in Filipino language na tungkol sa astrolohiya at horoscope. Sa calling card ni Bro. Mhon ay “resident psychic” ng kumpanya ang titulo n’ya. Nakalagay din sa card n’ya na Feng Shui consultant siya, marriage counsellor, at spiritual adviser. Ang office n’ya ay sa 45 General Lim St., Heroes Hill, QC, na may teleponong 373-3866 at 938-7527.

May astrological guide na ang Risingstar para sa 2012, at sa ilan sa mga iyon ay may prediction si Bro. Mhon. Mabibili yon sa mga bookstore at convenience store. Madaling makilala ang Risingstar magazines dahil nakalagay mismo sa cover ang pangalan ng kumpanya. Pwede n’yong i-browse ang magazines nila by logging on to: www.risingstarpublishing.ne1.net.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply