Mabuti pa ang Korte Suprema nakaisa sa mga problema

SA totoo lang, mga Bro, nakauumay na ang awayan sa pulitika na labis na pinagkakaabalahan ng gobyerno.

Ang dami-raming problemang kailangang harapin ngunit itong demandahan at siraan na lang yata ng mga pulitiko ang umuubos sa atensyon ng mga nasa pamahalaan.

Ang mga problema ay ang mga kinahaharap ng mamamayan gaya ng sobrang taas ng presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho,  kontraktuwalisasyon, pagtumal ng buhay overseas Filipino worker, grabeng trapik, mahal na kuryente, mahal na tubig, milyon-milyong nagugutom, mahal na petrolyo, nakasisira sa kapaligiran na pagmimina, krimen at marami pang iba.

WALANG KREDIBILIDAD ANG KORTE SUPREMA?

Itong Korte Suprema ay iniingusan sa pagiging biased umano sa laban sa pulitika ng mga nasa pamahalaang PNoy at kampon ni Aling Gloria.

Palagi umanong nakakiling ito kay Gloria at kontra kay PNoy.

Kaya naman may gustong magpa-inhibit pati kay Chief Justice Renato Corona sa lahat ng kaso na kinasasangkutan ni Gloria.

Ang dahilan, appointee umano si Corona ni Aling Gloria at pinaiiral ang pagtanaw ng utang ng loob sa halip na diwa ng katarungan na nakabatay sa batas at ebidensiya.

WALANG MATIRA KUNDI APPOINTEES NI PNOY

Kung susundan ang katwirang walang maaasahan sa mga appointee ni Aling Gloria na katarungan mula sa Korte Suprema, halos walang matira sa 15 kataong Hukom riyan.

Nasa 12 Hukom ang appointees ni Aling Gloria at habang tatlo naman ang appointees ni PNoy.

Ano ang mangyayari kung tatatlo lang ang Hukom?

Mapaparalisa ang Korte Suprema.

Wala sa wisyo ang katwirang walang maaasahan sa mga Hukom dahil lamang sa appointee sila ng nakaraang Pinuno.

UTANG NA LOOB HINDI UMIIRAL

Talagang mali ang sinasabing pinaiiral ng mga Hukom ang utang na loob bilang gabay nila sa paggawa ng mga desisyon.

Tingnan ninyo ang nangyari sa kaso ng Hacienda Luisita. Nagdesisyon nang unanimous o nagkakaisa ang 14 Hukom pabor sa pagbibiyak sa asyenda para sa nasa 6,000 obrero-magsasaka sa asyenda.

PATI MGA APPOINTEE NI PNOY SUMAMA

Pati ang mga appointee ni PNoy ay sumama sa unanimous decision.

Kung umiiral ang utang na loob at pagkiling sa kung sino ang nag-appoint sa kanila sa Hukuman, sana ay bumoto ang tatlong appointee ni PNoy laban sa pamamahagi ng lupa.

Itong desisyon na ito ang ating pinagbabatayan sa katotohanan na kung nakapasok na sa Korte Suprema ang isang Hukom, nawawala na ang utang na loob.

Dahil ang interes ng mamamayan para sa batas at katarungan ang maghahari na sa kanilang buto’t laman at kaluluwa.

Ito’y sa kabila ng katotohanan na may personal silang pagpapasalamat at sila ang napili ng appointing power. Pero alalahanin natin, hindi naman maipupuwesto ang isang Hukom dahil lang  sa kapritso ng Pangulo ng bansa o paboritismo.

May dala-dala itong kuwalipikasyon na katiyakan na hindi mabababoy ang batas at katarungan kung nakaupo na siya sa Hukuman.

MABUTI ANG HUKUMAN MAY NAGAWA

Talaga namang kahanga-hanga ang Korte Suprema sa desisyon nitong pairalin ang repormang agraryo sa Hacienda Luisita.

Libo-libong pamilya ang makikinabang sa desisyon na ipamahagi na ang asyenda sa mga obrero-magsasaka.

At alam ba ninyo ang epekto nito sa iba pang asyenda na may kahalintulad na kaso?

Baka maipamahagi rin ang mga ito.

May solusyon na sa daan-daang taong problema sa kawalan ng lupa ng milyong magsasaka at obrero sa mga sakahan sa bansa.

Batay ito sa desisyon sa Hacienda Luisita.

Imadyin, pinakamakapangyarihang pamilya sa bansa ngayon ang pinakitaan ng sampol ng Korte Suprema.

Huwag sabihin na kontra pa rin kay PNoy ang desisyong ito dahil mismong ang mga appointee ni PNoy ay sumang-ayon dito.

MAHAL NA LANGIS

Habang nagbabangayan at nagdudurugan ang mga pulitiko, andiyan naman ang napakalawak na problema sa mahal na langis.

Sa totoo lang, kabilang sa mga nililimusan ng DSWD ang mga drayber na biktima ng mahal na langis.

Ayon na rin sa Petron na isa sa mga sinisisi ng mamamayan sa mahal na langis, may sinisingil na P15 na expanded value added tax ang pamahalaan sa bawat litro ng langis.

Kung totoo ito, bakit hindi man lang maisipan ng mga anak ng putakte riyan sa pamahalaan na bawasan o ibasura na lang ang EVAT sa langis.

Ang totoo, kung nabibigatan ang mga nasa Metro Manila sa presyo  ng langis, mas matindi ang nagaganap sa mga lalawigan dahil may patong na P5-P10 sa bawat litro ng petrolyo dito.

At hindi na lang ang mga nasa transportasyon ang nahihirapan kundi maging ang mga magsasaka at mangingisda na gumagamit ng mga makina para sa pagsasaka at pangingisda.

ANTI-CORRUPTION TAMA PERO…

Tama lang na habulin ang mga korap sa nakaraan at dapat idamay rin ang mga korap sa kasalukuyan.

Pero hindi dapat na kalimutan ang iba pang mga problema na matindi pa kaysa korapsyon na labis na naglulublob sa nakararami sa kahirapan, gutom at kawalan  ng kinabukasan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply