Magaling at nagmamagaling

NOONG araw ng Linggo, napanood ng buong mundo ang huling laban nina Manny Pacquiao at
Juan Miguel Marquez.

Sobrang laki ng kontrobersiyang idinulot ng resulta ng laban na medyo nainis si Marquez sa desisyon ng mga judge na panalo si Pacman.

Pero walang kaso yun, kasi naman, si Marquez talagang inaasahang sasama ang loob at magrereklamo, siya yung natalo eh.

Inaasahan na rin na ang mga Mexicano ay aalma kasi nga kababayan nila si Marquez.

Ang hindi ko inaasahan, ay ang mga utak-talangkang Filipino na nakisakay pa sa kontrobersiya at inupakan pa ang pagkapanalo ng kababayan nating si Pacquiao.

Saan ka naman nakakita ng bansa na yun mismong panalo nila, sila pa ang may ganang ireklamo?

Lalo na yung Ronnie Nathanielz na yun, na unang-unang nagpupuputak na may pandaraya raw na nangyari kaya nanalo si Pacquiao.

‘Yun nga lang, ano naman ang aasahan mo sa isang taong hindi naman talaga Filipino, kundi Bumbay na ginawang Filipino dahil sa isang Presidential Decree ng dating diktador na si Marcos.

Opo, inaasahan nating gugulpihin ni Pacman si Marquez, tulad ng ginawa niya sa iba pa niyang nakalaban.

Pero kung pag-aaralan ninyo ang isang sport, malalaman ninyo ang tinatawag na scouting at match reviewing.

At sa laban na Pacquiao-Marquez, may dalawang nauna ng laban ang dalawa na pinag-aralan ng kampo nila ang bawat segundo upang makita kung saan sila parehong nagkamali at ano ang ginawa nilang tama.

Kaya hindi malayo na halos tabla ang laban, kasi nga kilala na nila pareho ang galaw ng bawat isa. Huwag po nating kalimutan na lahat ng tao ay may katapat.

Mas kita yan sa larangan ng boksing.

Si Frazier para kay Ali, si Sugar Ray Leonard kay Marvin Hagler, si Fernando Vargas kay Oscar Dela Hoya, at marami pang iba.

Kontrapelo po ang tawag natin dyan.

Ang mga ito ay hindi iisang beses naglaban, at ang bawat upakan nila ay laging kontrobersiyal ang resulta ng desisyon.

Pero yung judges sa lahat ng international championship bouts ay pawang neutral.

Sila rin ay nasa ring-side, at tulad ng mga broadcaster na kay Pacquiao ibinigay ang panalo, mas kita nila ang aksiyon ng malapitan.

Kaya yung mga Filipinong humihirit na nanood lang sa TV ng isang palabas na ilang libong milya ang layo sa atin, medyo mag-isip kayo ng konti.

Opo, hindi po dominant si Pacman sa laban noong Linggo, at opo, kitang-kita na naghanda si Marquez para kay Pacquiao. Pero hindi ibig sabihin noon, nakita na ninyo ang tunay na nangyayari sa boksing.

At tulad ng lumang kasabihan sa boksing “if you want to be the champion, you gotta knock him down or out” kung hindi, nasa kanya ang pabor ng mga judge dahil siya ang kampeon at ikaw ang nang-aagaw.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply