Magkapatid na Bautista nadikdik sa testimonya ni Janelle

PINAHIGPITAN pa ni Parañaque police chief Sr. Supt. Billy Beltran ang pagbabantay sa kaligtasan ni Janelle Manahan, nobya ng pinaslang na si Ramgen Revilla habang nagpapagaling pa sa Asian Hospital matapos makapagbigay ng pahayag sa pulisya.

Ito ay makaraang kumpirmahin ni Beltran na ang pahayag ni Manahan ang lalo pang nagpalakas sa anggulong alitan ng magkakapatid na naging ugat ng pamamaslang.

Nagpahayag din ng kasiguraduhan si Task Force Ramgen head Chief Insp. Enrique Sy na may kinalaman sa pamamaslang kay Ramgen ang dalawang kapatid ng biktima na sina Ramon Joseph “RJ” Bautista-Revilla at Ramona batay na rin sa kanilang isinagawang imbestigasyon.

Ayon pa sa pulisya, hindi nila tinatanggal ang posibilidad na mismong si Ramon ang bumaril kay Ramgen na siya namang binabanggit sa salaysay ni Manahan na nakasuot ng itim na bonnet na bumaril sa kanyang kasintahan.

Kasalukuyang hinihintay pa ng pulisya ang resulta sa isinagawang ballistic examination kay RJ kung siya nga ang bumaril sa sariling kapatid.

Samantala, pinasinungalingan naman ni Ramona ang pagkakasangkot sa pagpatay sa kanyang kapatid makaraang basagin ang pananahimik matapos magpaunlak ng eksklusibong panayam sa ANC Dateline Philippines kaninang hapon.

Sa panayam sa kanya, inamin ni Ramona na nakapagsinungaling siya nang sabihin sa kanyang unang pahayag sa pulisya na puwersahan din siyang isinama ng mga suspek na pumatay sa kanyang kapatid subalit hindi aniya ito nangangahulugan na may kinalaman siya sa krimen.

Sinabi ni Ramona na wala siya sa matinong kaisipan nang magtatakbo palabas ng bahay ng kapatid at ang tanging nais lamang niya ay mailigtas ang sarili at makaalis sa lugar na pinangyarihan ng pamamaslang.

“Nahihiya ako sa pamilya ko at sa buong mundo na iniwan ko lang sila. Hindi ko na po naisip. Ang gusto ko lang makaalis nung gabing yun. Kung hindi ako nag-panic hindi ko rin po maiisip ang gagawin ko po,” ayon kay Ramona.

Aminado rin si Ramona na nasa loob siya ng bahay ng kapatid na si Ramgen at kausap pa niya ito kaugnay sa iPhone video na ipakikita sa isa pa nilang kapatid na nasa Baguio nang biglang pumasok ang nag-iisang salarin na nakasuot ng maskara at binaril si Janelle.

Nakita rin aniya ni Ramgen ang pagbaril sa kasintahan kaya nanlaban ang kapatid hanggang magawang makapasok muli sa kuwarto at pinilit na maisara ang pinto kung saan naipit pa ang kamay ng lalaking nakamaskara.

“Si Ramgen po ang sumagip ng buhay ko kaya hindi ako nasaktan…Utang ko po ang buhay ko sa kapatid ko. Hindi ko siya kayang saktan,” dagdag pa ni Ramona

Inihayag pa ni Ramona na tinangka niyang tulungan si Janelle at hinanap pa nga niya sa dalaga ang susi ng kotse para maisugod niya sa pagamutan ang dalawa subalit hindi na aniya ito nagsasalita kaya sa takot na baka siya naman ang isunod na patayin ay nagtatakbo na siya palabas ng bahay at tinawagan ang isa pa niyang kapatid na kaagad namang dumating.

Tumakbo aniya siya papasok sa kotse ng kapatid at hindi na siya lumingon dahil ang iniisip na lamang niya ay makalayo ng bahay dahil nandoon pa ang killer at wala isa mang nagbigay ng tulong sa kanya.

“Malinis po ang konsyenya ko. Tinulungan ko po si Jannelle ng hanggat makakaya ko po. Sigaw ako nang sigaw. Humihingi po ako ng tulong. Alam niya rin po yan,” sabi pa ni Ramona.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply