Maguindanao massacre tatalakayin sa dayalogo
ISANG linggo bago ang anibersaryo ng naganap na Maguindanao massacre ngunit tila wala pa ring nangyayari sa pag-usad ng kaso upang makamit ang hustisya.
Dahil dito, makikipag dayalogo ang grupo ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa Department of Justice (DOJ), Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensiya ng gobyerno upang muling talakayin ang kaso.
Ayon kay Rowena Paraan, secretary general ng NUJP, magkakaroon ng roundtable discussion ang grupo kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan upang malaman ang update sa pag-usad ng kaso ng mga biktima ng masaker.
Magkakaroon din umano ng national coordination sa Metro Manila ang lahat ng miyembro ng media upang hilingin ang hustisya sa gobyerno sa mga kasamahan na media practitioners.
Ayon kay Paraan, nagpulong na umano ang grupo ng NUJP at kampo ni Maguindanao Gov. Esmael ”Toto” Mangungudadatu para sa isasagawang commemoration sa Nobyembre 23, 2011.
Magugunitang 57 katao ang namatay kabilang ang 32 media practitioners sa naganap na Maguindanao massacre sa Sitio Masalay Barangay Salman,sa Maguindanao noong Nobyembre 2009. Jocelyn Tabangcura-Domenden
You must be logged in to post a comment Login