Makakaya kaya?

MABUTI naman at nagising na ang mga taga House of Representatives at naalala nila na kapantay sila nang sangay ng ehekutibo na nasa ilalim naman ni Pangulong Noynoy.

Madalas kasi ay sumusunod lang ang mga kongresista sa gusto ng Palasyo, kung kaya’t hindi nila nagagawa ang tungkulin para balansehin ang bawat isang sangay ng pamahalaan.

Kaya binabati natin si Batangas Rep. Hermilando Mandanas na Chairman ng House Ways and Means Committee.

Desidido kasi siyang pasiputin sa pagdinig sa Kamara sa December 5 o darating na Lunes sina Finance Secretary Cesar Purisima at ang tauhan nito na si Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares.

Iyon ay kung kaya niyang takutin ng contempt ang dalawang opisyal na ito.

Alam niyo ba, mga giliw kong mambabasa, na sobrang astig itong sina Purisima at Henares?

Ayon kasi sa aking impormante riyan sa Kamara,  kahit minsan sa loob ng tatlong linggo ay hindi man lang sinipot ng dalawang ito ang pagdinig na ginagawa ng komite ni Mandanas hinggil sa kontrobersyal na Memorandum Circular 40-2011 na pinalabas ni Henares.

Mabigat ang memo na iyon dahil inuutusan nito maging ang mga pribadong taxpayer na magsumite ng hiwalay na impormasyon hinggil sa kanilang mga transaksyon kabilang na ang kanilang bank records.

Marami ang umangal sa memo dahil nangangamoy martial law daw ito.

Lumalabas kasi na parang gusto na ring panghimasukan nina Henares at Purisima ang buhay pati na nang mga pribadong mamamayan.

Dahilan dito ay naobliga si Mandanas na magdaos ng pagdinig subalit hindi sila pinapansin nina Purisima at Henares at sa halip ay nagmamatigas sila at nagpahayag pa na hindi daw nila babawiin ang memorandum.

Tsk! Tsk! Malas naman nina Mandanas dahil mukha yatang ginagaya nina Henares ang idol ko na si Justice Secretary Leila de Lima.

Maitanong ko lang, nagbabayad ba nang tamang buwis itong sina Henares at Purisima?

Nagtatanong lang po ako dahil sobrang sigasig silang maningil ng buwis ng ibang tao pero baka naman mamaya, eh, nakalilimu-tan nilang singilin ng tamang buwis ang mga sarili nila.

He-he! ‘Di ba Pareng Jess Bautista?

Ang alam ko kasi ay naakusahan na rin dati si Purisima nang mga kongresista nang hindi pagsusumite ng income tax returns para sa mga taong 2007, 2008 at hindi rin niya naideklara sa kanyang ITR ang kanyang higher net worth para sa taong 2009.

Gaya nang inaasahan ay itinanggi niya ang paratang subalit tungkulin pa rin niyang ipaliwanag kung ano ang totoong nangyari at bakit inakusahan siya.

Si Henares naman ay panay ang habol sa mga hinihinalang tax evader, ano kaya kung unahin niyang imbestigahan ang boss niya?

Makaya kaya?!!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply