Mga solon na nanood ng laban ni Pacquiao pinauuwi na

HINIKAYAT na umuwi na ni Lingayen-Dagupan  Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang mga kongresistang nanood sa laban ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao kay Mexican boxer Juan Manuel Marquez sa Las Vegas, Nevada upang matutukan at asikasuhin naman ang mga problema ng mga mamamayan at ng bansa.

Kasabay nito, nagpahayag nang pagkadismaya si Cruz, dating pangulo ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP),  dahil sa kabila aniya ng maraming problema ang bansa na dapat tutukan ng mga naturang mambabatas ay nagawa pa ng mga ito magliwaliw sa Amerika at pumusta sa laban.

Naniniwala si Cruz na kung sinuportahan man ng mga kapwa kongresista si Pacquiao, higit dapat suportahan ng mga ito ang ating mga kababayan na matagal nang knocked out sa gutom at kahirapan.

“Well, dapat lang talaga na bumalik na sila sa bansa. Medyo ako nag-aalangan sa kanilang mga ginawa sapagkat bihira ang mga pumu-pulis sa kanila kung meron man e.  Lahat ay para silang kina-kantiyawan sapagkat hirap na hirap tayo tapos sila ay nagliliwaliw at karamihan sa kanila ay pumupusta pa sa sugal sa boksing kaya ang hirap nilang purihin,” ani Cruz, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

“Sana lang kung anong suporta ang ipinakita nila kay Pacquiao, ganun din sana ang ipakita nilang suporta sa mga kababayan nating mahihirap na matagal ng knocked out sa gutom,” dagdag pa ni Cruz.

Una nang binatikos ng Simbahang Katolika ang mga kongresista na nagtungo pa sa Las Vegas upang panoorin ang laban ni Pacquiao habang ilan sa mga ito ay kilalang pumupusta sa laban.

Iginiit naman ng mga ito na nais lamang nilang magpakita ng suporta sa kanilang kasamahang mambabatas. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply