Manila Auto Salon, patok sa mga Pinoy

MULI na namang tinipon ng Tradeshow International Inc.,- ang kompanya sa likod ng tanyag na Trans Sport Show at iba pang malalaking car shows sa bansa- ang mga pinakamalalaking pangalan sa industriya ng pag-customize at pagmo-modify ng mga sasakyan. Simula pa noong Huwebes, marami na ang dumagsa sa SMX Convention Center sa MOA (Mall of Asia) upang makibahagi sa 2011.

Eh ano nga ba muna ang ibig sabihin ng “car modification” o ang mga produkto nitong binansagang custom cars? Ang custom cars ay mga sasakyang binago o napalitan ng ilang aspeto at katangian upang umayon sa pangangailangan at panlasa ng may-ari. May 2 paraan ng pag-customize ng sasakyan: 1) Pagpapalit ng makina at ng transmission ng sasakyan upang makadagdag sa performance nito (i.e., speed o bilis), at 2) Pagpapalit at paglalagay ng katangi-tanging disenyo sa sasakyan na maituturing na isang “style statement” ng may-ari nito.

Eh kelan naman ito nagsimula? Nagsimula ang kultura ng custom cars bago sumiklab ang World War II.
Nagmula ito sa kultura ng “hot rodding” na sikat na sikat noon sa Estados Unidos, ngunit pagdating ng dekada ’50, nagsimulang maghanap ng ‘kakaiba’ ang mga mamimili, at doon nga’y nabuhay ang konsepto ng ‘custom cars’. Isa sa mga kilalang car customizer noong panahong iyon (at maging ngayon) ay si George Barris, na itinuturing na Hari ng Customization sa Estados Unidos. Ang mainit na pagtanggap ng publiko sa mga proyekto ni Barris ay dali-dali namang sinakyan ng mga car manufacturer at nagsimulang gumawa ng sarili nilang ‘custom cars.’ Ilan lamang sa mga sumikat ng mga panahong iyon ay ang Ford Coupe, ’51 Merc, at ang Lowboy Deuce Roadster. Ngayon, ang mga ito ay maituturing nang ‘vintage cars.’

Halos sabay ring nagsimula ang pagkakakilala ng Estados Unidos at Pilipinas sa kultura ng custom cars. Ang pagpasok ng mga Amerikano ang kanilang mga sasakyan dito noong 1950s ay naging hudyat na ng hindi mapagkakailang “love affair” ng mga Pilipino sa mga sasakyan, higit lalo na sa mga custom cars. Nang sumiklab ang Matial Law noong dekada ’70, isa sa mga matinding naapektuhan ay ang industriya ng sasakyan. Lie-low ang mga Pilipino sa pamimili ng mga sasakyan at gayun din ang industriya ng car modification. Muling nabuhay ang industriya pagdating ng dekada ’90, at patuloy na dumarami ang nahihilig sa ideyang ito mula pa noon hanggang ngayon.

Ito ang isa sa mga  dahilan na nag-udyok sa Tradeshow International na isagawa ang Manila Auto Salon na itinuturing na pinakamalaking pagtitipon ng mga car enthusiast sa bansa at binansagan ring “Asia’s Coolest Automotive Aftermarket Show.” Ang unang Manila Auto Salon ay ginanap noong Oktubre 2007 at simula noon ay naging tradisyon na para sa nakararami.

Ngayong taong ito, samu’t saring modelo at disenyo ng mga sasakyan ang makikita sa exhibit. Nandiyan ang 2004 Nissan X-Trail na dinisenyuhan ng JSK Custom Paint & Bodyworks hango sa sikat na karakter mula sa horror movie na si Chuckie, o mas kilala sa Pilipinas bilang si Chaka Doll. Nariyan din ang Nissan GT-R na talaga namang mapapa-2nd look ka pa dahil sa katawan nitong binalot ng Foilatek ng kanilang produktong may disenyong balat-ahas,na nagbibigay ilusyon na isa itong higanteng ahas. On-display rin ang deconstructed o pinaghiwa-hiwalay na bersyon ng Mugen-accessorized Honda Civic ng sikat na customizing shop na Speedlab. Ultimo ang sikat na hotel chain na Victoria Court ay animo’y nagkaroon ng sariling brand ng sasakyan, salamat sa kakaibang ideya ni Ian King ng Car Porn Racing, na isa rin sa mga Best of Show awardees noong nakaraang taon.

Hindi rin mawawala ang mga sasakyang hayop sa sound system,na tila 50 kilometro pa ang layo ngunit ang dating naman ng tunog ay parang katabi mo lang. Mistulang isang ‘mobile club’ ang Honda Civic EG ni Jeremy Chua ng Maxx Energie Ventures Inc., sa lakas ang dagundong ng kanyang RA Audio System.

Nakipagpaligsahan rin sa lakas ng tunog ang sound system ang 2010 Honda Jazz ni Kelvin Panganiban ng Mickeys Auto Sound.

Nakadisplay rin ang mga customized engines ng 2006 at 2008 Honda Civic FD ng Team FD at siyempre hindi rin mawawala ang mga power engines ng Speedlab, Atoy Customs at Alfred Motorworks.

Literal na Toys for the Big Boys kung maituturing ang mga 4×4 SUV at truck na naka-display sa ilan sa mga booth. Katunayan, ang isang gulong ng mga nakadisplay na 4×4 ay halos kasing laki na ng isang tao.

Halimbawa nalang ang mga 4×4 Toyoa at Jeep models ng 2010 Best of Show awardee na Dr. G’s Car Clinic.

Syempre hindi mawawala ang display ng mamahaling sasakyan o luxury cars. Sa isang hilera ay magkakasunod ang iba’t ibang modelo ng Porsche at Mercedes Benz habang sa kabilang banda naman ay magkakalapit na BMW at Ferrari. Nagbabalik rin ang award-winning vintage cars ng Alfred Motorworks katulad ng kanilang 1937 Plymouth P3.

Para lamang sa espesyal na okasyon na ito, isinapubliko ng pamilya Larrazabal ang koleksyon ng bisikleta ng kanilang ninuno at dating alkalde ng Ormoc, Leyte na si Terry Larrazabal habang ang pamilya naman ng namayapang rider na si Maico Buncio ay ipinahiram ang dalawang motor ng binata sa booth ng The Philippine Motorsport Authority. Ang tanyag na bike ng binata na may nakalagay na 129 (ang opisyal na numero  ni Maico) ay nakatabi sa isang life-sized standee ni Maico.

Samantala, giliw-giliw rin ang mga bisita sa display na mga toy car ng Die Cast Collectors of the Philippines.

Ang mga laruang ito ay katangi-tangi at tanging ang mga miyembro lamang ng Die Cast ang mayroon nito sa buong mundo.

Nagsagawa rin ng isang 4-day workshop ang Speedlab na pinamagatang “Zero to Hero” kung saan ang mga partisipante ay tinuruan ng mga basic technique o pamamaraan ng pag-customize at pag-disenyo ng kanilang mga sasakyan. Sa tulong ng MP Turbo, maaayos na naisagawa ang kinaabangang “On Time, All the Time Rally” kung saan ilang exhibitors at maging mga bisita ay sumali.

Marahil ang pinaka-inabangang activity ngayong taong ito sa Manila Auto Salon ay ang pormal na paglulunsad ng Hot Rod Philippine Club ng kultura ng “hot rodding” sa bansa. Ang “hot rodding,” gaya ng nabanggit sa unahan ng artikulong ito, ay isa pang disiplina sa pag-customize ng mga sasakyan ngunit sa pagkakataong ito, ang mga sasakyang gamit ay kadalasan mga lumang sasakyan na pinapalitan ang makina at disenyo upang maging angkop sa modernong panahon. Gayunpaman, marami na ring naging baryasyon ng hot rodding at tiyak na papatok din ito sa mga Pinoy.

Ang Manila Auto Salon ay nagpapakita lamang na buhay ang industriya ng automotib (sa pangkalahatang aspeto) sa Pilipinas. Hindi man kagandahan ang lagay ng car market sa bansa ngayon base sa huling tala, ang mga pagkakataon at pagtitipong gaya ng Manila Auto Salon ay patunay lamang na hanggat nariyan ang sigla at suporta ng mga ika nga’y ‘car enthusiasts,’ hindi mamatay ang kultura ng ‘customized cars,’ at higit lalo na, ng industriyang sumasakop rito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply