May problema pero di nali-late sa taping!

NANINIWALA si Sylvia Sanchez na masuwerte ang 11/11/11 kaya nagkaroon ng bonggang grand opening ang kanyang TJ’s Bar and Resto sa Sct. Esguerra St, Quezon City.

Three years ago pa itinayo ni Sylvia ang TJ’s sa Greenhills pero isinara niya ito recently at nagbukas sa QC kung saan ay mas accessible lalo pa nga’t malapit ito sa dalawang giant TV networks (GMA-7 and ABS-CBN) at puwedeng pagdausan ng presscon.

TJ stands for Tita Jojo na siyang tawag sa kanya ng mga pamangkin dahil Jojo naman daw talaga ang kanyang name.

Mahilig sa pagluluto si Ibyang (tawag kay Sylvia) at nakatutuwa ang kwento niya kung paano siya natutong magluto.

“Hindi ako marunong magluto (dati). Tapos nun’g naging kami na ni Art (Atayde, her husband), na-insecure ako kasi dumating ‘yung point na pag umuuwi siya, sasabihin niya, kumain na siya sa labas.

“Tapos, na-realize ko, kaya pala hindi siya kumakain sa bahay kasi puro canned goods, tapos, lahat prito, itlog prito, hotdog prito. So, sabi ko, teka, sandali lang. So, nilapitan ko ‘yung mayordoma ni Art at tinanong ko kung ano ang paboritong pagkain ni Art. So, unti-unti.

“Mula noon, lagi akong may dala-dalang notebook talaga, hanggang ngayon, sa bag ko, para kung kahit nasaan ako, pag may nagustuhan (na pagkain), isusulat ko, tatanungin ko.”

Pero kahit abala siya sa negosyo at sa kanyang pamilya, love pa rin ni Sylvia ang showbiz at tumatanggap pa rin siya ng acting projects. Sa katunayan, katatapos nga lang niya ng “Iglot” sa GMA-7 at ang next project naman niya ay ang “Mundo Man ay Magunaw” sa ABS-CBN.

Dahil nakasama niya sa Iglot si Claudine Barretto ay hindi maiwasang matanong siya tungkol sa kontrobersiya lately sa aktres at sa asawang si Raymart Santiago.

Tinanong nga namin kung ano ang reaksyon niya na kaya natapos nang maaga ang Iglot ay dahil lagi raw late o di kaya naman ay hindi sumisipot si Claudine sa taping.

“Hindi late dumating si Claudine, maniwala kayo sa akin, nandu’n ako. In fairness kay Claudine, nang pumutok ‘yung gulo, sumisipot naman siya, okay naman siya, although alam mong may problema siya. Pero never siyang nale-late.”

Inamin naman ni Sylvia na nag-confide si Claudine ng problema nito pero siyempre ay hindi naman niya dapat sabihin sa publiko.

“Kasi, pinagkatiwala sa akin nun’g tao, ipinagkatiwala sa akin nang detalyado,” ani aniya.

Pero ang nilinaw lang niya, wala raw third party involved sa problema ng mag-asawa. Binigyan na lang daw niya ng advice si Claudine na hangga’t maayos ay ayusin nilang mag-asawa ang problema.

Sey pa ni Sylvia, normal naman daw sa mag-asawa ang dumaan sa mga problema. Siya nga raw ay nahiwalay pa kay Art nang isang taon pero dahil mahal nila ang isa’t isa ay nagbalikan din sila. Naniniwala rin siya na kaya pang ayusin nina Claudine at Raymart ang problema dahil mas grabe pa ang pinagdadaanan ng ibang mag-asawa.

At nun’g last taping day daw nila ng Iglot ay sinabihan na siya ni Claudine na “Ate, okay na ako, masaya na ako, inaayos ko na,” kaya happy naman daw siya for her co-star.

-0o0-

MAY official statement ang ABS-CBN 2 sa isyung ito ng USTv na kung saan ay sangkot din si Anne Curtis.

“Nais lamang naming ituwid ang ilang mga pangyayari sa naganap na USTv Awards’ launch kung saan si Anne Curtis ay naimbitahan para mag-perform.

“Si Anne ay dumating sa tamang oras base sa call time niyang 7 p.m. Batay sa orihinal na schedule, si Anne ay kakanta bandang 7:30 p.m. ngunit sa di inaasahang pangyayari, ang oras ng programa ay nausog.

“Dahil sa matagal nang naghihintay si Anne, napagdesisyunan ng mga tagapamahala ng USTv Awards na isalang na siya pagkatapos ng TV5 presentation at bago sumalang ang GMA artists.

“Hindi siya nakapag-perform o makabati man lang dahil pinigilan ng isang kinatawan ng GMA-7 na siya ay makalabas bago ang presentasyon ng GMA. Ang pangyayari ay hindi na nakontrol ng organizers ng USTv Awards na siyang dapat may desisyon sa produksyon.

“Nauunawaan ng ABS-CBN na nangyayari ang delay at mga ganitong kompromiso sa events tulad ng USTv Awards. Dapat lamang na magkaroon ng bigayan at konsiderasyon sa mga ganitong sitwasyon.”

BONG R. OSORIO
Head, Corporate Communications Division
ABS-CBN Corporation

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply