McArthur ang mga presong Intsik sa BuCor

MINSAN nang napatunayan ni Justice Secretary Leila de Lima ang anomalya sa Bureau of Corrections kung saan kumikita ang mga opisyal ng nasabing ahensiya sa mga high profile inmate partikular ang mga Intsik at dayuhang druglords nang paimbestigahan niya ito.

Nabatid ng kalihim na nagbibigay ng malaking halaga ng pera ang mga preso upang huwag silang malipat sa mga kolonyang piitan o kaya naman ay mailipat ang karibal sa bentahan ng droga sa loob ng piitan na mailipat sa kolonyang kulungan tulad ng Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro, Davao Prison and Penal Farm, Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan, San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga at Leyte Regional Prison.

Milyon pisong halaga ang usapin sa iligal na gawain sa BuCor kaya naman upang mapigil ito ay nagpalabas si De Lima ng Department Circular No. 25 kung saan kailangan ang kanyang pagpayag bago mailipat ang preso sa ibang kolonya mula sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City. Nasa ilalim ng kapangyarihan ng DOJ ang BuCor. Lamang, hindi si De Lima ang pumili sa bagong hepe nito na si Ret. Gen. Gaudencio Pangilinan na sa kasalukuyan ay may kinahaharap na plunder case.

Ngayon, isang preso na nagngangalang Col. Maclang, kilala bilang Macky Boy at sinasabing malapit kay Pangilinan dahil kaklase niya ito sa Philippine Military Academy (PMA) class 79, ang ngayon ay kumikilos na at nagtatawag sa mga kapwa niya preso na natapon sa mga penal colonies.

Pawang mga Intsik at dayuhan ang tinatawagan nito at kinukumbinsing magbigay ng pera sa kanya upang maibalik ang mga ito sa Muntinlupa. Bawal gumamit ng cellular phone ang mga preso bukod pa sa sinasabi ng pamunuan ng pambansang piitan na may jammer sila na humaharang sa signal upang hindi makakontak sa labas ang mga preso dahil madalas ay nakalulusot sa mga bantay nila ang bentahan ng droga sa kulungan.

Gumagamit nga pala ng opisinang itinalaga sa kanya ng kanyang Mistah si Maclang at kaya niyang utusan ang mga opisyal at empleyado ng tanggapan dahil malakas nga siya kay Pangilinan.

Madalas ay nakikipag-usap si Maclang kay Supt. Richard Schwarzkopf, ang opisyal na madalas magngatngat sa tainga ng hepe ng BuCor, upang alamin kung paano nila mapalalabas na ligal ang kanilang iligal na gawain tulad nga ng pagpasok ng mga “isda” sa bilibid na nagbibigay ng aliw sa mga presong sabik sa sariwang laman.

Isa rin sa pinag-iisipang mabuti ng dalawa ay kung sino-sino ang mga presong dayuhang sangkot sa bigtime drug pushing ang kanilang pababalikin sa NBP kapalit ang milyong halaga ng salapi.

Sa ngayon, maraming presong druglord na ang nakausap nina Maclang at Schwarzkopf at pinangakuang makababalik sa Muntinlupa upang muling makapaghasik ng kanilang baluktot na gawain. Karamihan, sumagot sa kanila na kailangang makabalik muna sila at kapag nasa teritoryo na sila nina Maclang at saka sila magbibigay ng pera dahil sa Maynila rin naman manggagaling ito.

Kaya naman, makabubuting paimbestigahan ni Secretary de Lima ang planong pagma-McArthur o “I shall return” ng mga dayuhan at bigtime na preso sa Muntinlupa.

Bakit nga pala hindi mapalit-palitan o matanggal sa piitan itong si Schwarzkopf? Malakas siguro ang hatag nito sa naka-upong opisyal ng BuCor. At bakit hindi na lang ipatapon sa malayong penal colony itong si Maclang upang hindi makapag-hari-harian sa kulungan? Maganda sigurong ipatapon ito sa Sablayan o Iwahig upang lumuwag naman ang napakasikip na piitan.

***

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya, pamahalaan o pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply