Medical team sa Albay inambus, sundalo utas

ISANG kagawad ng Philippine Army ang napaslang makaraang tambangan ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army ang convoy ng militar at mga volunteer doctor para sa isang medical mission sa lalawigan ng Albay, ayon sa ulat ng militar ngayon.

Sa report na nakarating sa Camp Aguinaldo, dakong alas-8:00 ng umaga isinagawa ang pananambang sa bayan ng Daraga, Albay na ikinasawi ng isang sundalo na hindi muna pinangalanan.

Ayon kay Major Narzan Oboyes, tagapagsalita ng Philippine Army 9th Infantry Division sa Bicol, kasama siya ng grupo na inambus ng mga pinaniniwalaang NPA habang binabagtas ng kanilang convoy ang Barangay San Vicente, Daraga, Albay.

Nabatid na patungo sana ang grupo sa Brgy. Nabasan sa naturang bayan para sa isang medical and dental mission.

Kasama sa sasakyan ni Oboyes nang maganap ang ambush ang isang doktor na pinalad namang hindi tinamaan ng bala.

Sa ‘di kalayuan sa kanila, sa isa pang sasakyan, lulan naman ang mga volunteer para sa naturang misyon.

Tumagal ng 20 minuto ang bakbakan na nagresulta sa pagkamatay ng naturang sundalo.

Hindi pa matukoy kung may namatay sa panig ng mga rebelde, habang patuloy naman ang hot pursit operation ng mga awtoridad kaugnay sa naturang pangyayari.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply