Mendiola at HL massacre imbestigahan uli

HINAMON ng isang arsobispo ng Simbahang Katolika si Pangulong Benigno Simeon Aquino III na patunayang sinsero siya sa pagsusulong ng tuwid na daan sa pamamagitan nang pag-uutos ng reinvestigation sa mga kaso ng Hacienda Luisita management laban sa mga magsasaka, partikular na ang Mendiola at Hacienda Luisita massacre.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), dapat na mabigyan ng hustisya ang mga namatay na magsasaka.

Matatandaang 13 magsasaka ang namatay noong panahon ng dating Pangulong Cory Aquino nang magkasagupa ang mga magsasaka at ang mga pulis sa isang rally sa Mendiola noong 1987, habang pitong magsasaka naman ang namatay, 200 pang magsasaka ang nasugatan habang 133 ang nagwewelgang magsasaka ang inaresto ng mga tauhan ng Philippine Army noong 2004 sa isang rally sa Hacienda Luisita.

Iginiit ng Arsobispo na bago isipin ng mga Cojuangco ang pagnanais na mabayaran ng mga magsasaka ang kanilang lupain ay dapat malaman din ng mga ito na may pananagutan sila sa mga magsasakang namatay na ang hangad lamang ay magkaroon ng sariling lupang sakahan para sa kanilang kinabukasan na pinagkait ng matagal ng mga may-ari ng Hacienda Luisita.

Naniniwala si Cruz na ang Hacienda Luisita massacre ay simbolo ng kawalan ng hustisya sa Pilipinas at indikasyon ng malayong agwat ng mayayaman sa mahihirap dahil ang pag-atake ay ipinag-utos mismo ng gobyerno na mayroong basbas ng pamilya Cojuangco na may-ari ng hacienda.

Ayon pa kay Cruz, madaling magsabi ang Pangulong Aquino ng “just compensation” sa mga may-ari ng Hacienda Luisita ngunit paano na aniya ang mga buhay na nawala dahil sa pagiging gahaman ng mga may kapangyarihan.

Nauna rito, sinabi ni PNoy na pabor siyang mabigyan ng kompensasyon ang may-ari ng Hacienda Luisita matapos na ipag-utos ng Korte Suprema ang pagpapamahagi ng hekta-hektaryang lupain sa hasyenda sa mga magsasaka.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply