Mga OFW nangangambang mawalan ng trabaho

NANGANGAMBA ngayon ang ilang overseas Filipino worker (OFW) na hindi na makakabalik pa sa kanilang mga trabaho dahil sa ipinatupad na deployment ban sa 41 bansa.

Ito ay sa kabila naman ng katiyakan ng Department of Labor and Employment (Dole) na maaring matulungan ng pamahalaan ang mga OFW na maapektuhan ng nasabing deployment ban.

Ilan sa mga Filipino workers ay nagbakasyon lamang sa bansa at ngayon ay nag-aalala na baka hindi na makabalik pa sa kanilang mga employer dahil na rin sa ipinag-utos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Kaugnay nito, minaliit naman ng Dole ang epekto nito dahil tinatayang nasa 200 lamang umano ang mga OFW na apektado.

Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, nakahanda naman umanong saluhin ng integrated program ng gobyerno ang mga Filipinong maapektuhan ng ban.

Una nang ipinag-utos ng POEA ang deployment ban OFW sa 41 bansa para na rin sa kaligtasan ng mga manggagawang Filipino.

Nangunguna sa nasabing mga bansa ang Afghanistan, Cambodia, Cuba, North Korea, Pakistan at Palestine.

Ayon sa bahagi ng Governing Board Resolution No.7 ng POEA: “The Philippine Embassies/Philippine Missions have certified that the (41) host countries are not compliant with the guarantees provided under the (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act).”

Sinabi naman ni Baldoz na ang nasabing resolusyon ay dumaan sa masusing pag-aaral bago ito ipinalabas ng POEA.

“The Governing Board has thoroughly discussed and considered the Department of Foreign Affairs (DFA) certifications and, in accordance with the law, issued the resolutions,” giit ni Baldoz. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply