Monthly salary sa bus drivers, ikinasa

MALAKI ang paniniwala ng isang senador na mababawasan ang madudugong aksidente sa lansangan kapag tuluyang naipatupad ang buwanang sahod sa lahat ng bus driver at konduktor na naghahabol ng kita tuwing pumapasada.

Ayon kay Sen. Jinggoy Estrada, suportado niya ang probisyon na itakda ang buwanang sahod sa lahat ng bus driver at konduktor dahil itinataguyod ng bagong sistema ang karapatan ng manggagawa sa disenteng kompensasyon at isinusulong nito ang kaligtasan sa lansangan ng pasahero at mamamayan sa kabuuan.

Nauna nang nagkasundo ang Department of Labor and Employment (DOLE) at kinatawan ng transport sector sa isang kasunduan na tugunan ang lumalalang bilang ng aksidente sa lansangan sanhi ng mahabang oras ng pagmamaneho ng mga driver at nakabase sa komisyon ang kanilang kita.

Isinusulong din ni Estrada na maisabatas ang Senate Bill 2922 na naglalayong bigyan ng buwanang sahod ang lahat ng public utility bus driver kabilang ang konduktor na hindi bababa sa umiiral na minimum wage.

Sa ilalim ng panukala na tinawag na Bus Drivers and Conductors Compensation Act, itataguyod ng mga operator ang walong oras na pagmamaneho (hindi kabilang dito ang pamamahinga) na may two-shift system at isang oras na pamamahinga kada araw sa bawat driver.

Noong 2008, naitala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang 4,325 aksidente ng bus sa Kamaynilaan o may pangkaraniwang 13 aksidente kada araw na kinasasangkutan ng mga bus. Noong 2009, nabawasan ang aksidente na pumalo sa 10 aksidente kada araw.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply