Murder, frustrated murder kay RJ Bautista

SINAMPAHAN na sa korte ng Parañaque City Prosecutors Office ng kasong murder at frustrated murder si Ramon Joseph “RJ” Bautista, pangunahing suspek sa pagpaslang sa kapatid na si Ramgen matapos tumanggi ang kanyang abogado na sumailalim pa sa preliminary investigation na itinakda kanina.

Nauna nang nagpahayag ang abogado ni RJ na si Atty. Dennis Mananzal na sa korte na lamang nila ipagtatanggol ang akusasyon laban sa kanyang kliyente kaya nagpasiya na lamang siyang maghain ng “waiver” bukod sa may nakabimbin pa silang petisyon kaugnay sa warrantless arrest na isinagawa ng Parañaque City police.

Ito rin ng dahilan kaya hindi na dumalo pa sa itinakdang preliminary investigation si RJ Bautista.

Kaagad namang ini-raffle sa sala ni Parañaque Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Brigido Artemon Luna ang kaso kay RJ Bautista na bumagsak sa sala ni Presiding Judge Fortunito Madrona ng Branch 274, dating naging sala ni Judge Amelita Tolentino na humawak noon sa kaso ng Vizconde massacre.

Itinakda naman ni Judge Madrona ang pagbasa ng sakdal o arraignment laban kay RJ Bautista sa Nobyembre 16, alas-8:30 ng umaga.

Nabimbin naman ang preliminary investigation sa dalawa pang akusado na sina Michael Jay Naltea at Roy Francis Tolisora matapos mabigong dumalo ang kanilang mga abogado.

Muling itinakda ni Assistant City Prosecutor Leah Roma bukas ng hapon ang preliminary investigation laban sa dalawa upang suriin kung may sapat na ebidensiya laban sa dalawa para maiakyat din ang kaso sa korte.

Kanina ay nagsumite naman ng karagdagang ebidensiya ang Task Force Ramgen sa pamamagitan  ng sinumpaang salaysay ng isa pang testigong si Ronald Ancajas, ang personal assistant ng napaslang na si Ramgen na nagpapatibay sa pag-aaway ng magkakapatid na Bautista ng dahil sa pera.

Napag-alaman na isa pang testigo na si Llody Comeda, alyas “Lim” ang hawak ngayon nina Chief Insp. Enrique Sy, ang hepe ng binuong task force na umamin umano na kabilang siya sa pagpupulong nina Norwin dela Cruz at kalive in nito na si Glaiza Vista bago naganap ang pagpaslang para pag-usapan ang mangyayaring bayaran.

Sinabi ni Sy na inihayag ni Lim na nagpasiya siyang umatras nang malaman niya ang planong pagpaslang kay Ramgen Bautista dahil sa hindi kaya ng kanyang konsensya at hindi na nagpakita pa sa grupo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply