Nabalahaw na barko sinisiyasat na ng PCG

SINISIYASAT na ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang barkong nabalahaw habang naglalayag sa pagitan ng Danao at Camotes Island sa Cebu nitong nakaraang Martes (Nobyembre 8).

Nabatid na galing ang  MV Super Shuttle Ferry 17 sa bayan ng San Francisco nang tumirik ito sa kalagitnaan ng laot dakong alas-10:00 ng umaga ng Martes  dahil sa nasirang makina.

Agad naman naibalik sa pantalan ng Danao ang barko matapos hilahin ng sister ferry nitong MV Super Shuttle Ferry 14.

Kinumpirma naman ng tagapagpasalita ng coast guard na si Lieutenant Commander Algier Ricafrente na ligtas na na-rescue ang 82 pasahero nito maging ang 17 opisyal at crew.

Napag-alaman na pagmamay-ari ng Asian Marine Transport Corporation ang tumirik na barko na kailangang sumagot sa isasagawang inquiry sa insidente.

Samantala, isang Panamanian vessel ang grounded sa Subic Freeport Zone matapos matuklasan na mayroong major defects ng PCG.

Galing umano ang MV Oceanic Union sa Shanghai, China at patungo ng Subic nang magkaberya ito sa karagatang sakop ng Burgos, Ilocos Norte makaraang mabutas ang kaliwang bahagi ng harapan ng barko.

Sa kabila naman ng aberya ay ligtas na nakarating ang barko sa Subic ngunit hindi papayagan na muling maglayag hangga’t di naisasaayos ang mga depekto nito. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply