Nasa dagat ang buhay natin

MGA kasama, nabanggit ko kamakailan lamang na ang Pilipinas ay binubuo ng may 7,100 na isla na nakalugar sa kalagitnaan ng Asya.

Napalilibutan din ito ng mga pangunahing karagatan sa daigdig partikular ang Dagat Pasipiko sa silangan, ang Kanlurang Dagat ng Pilipinas (West Philippine Sea) sa kanluran at hilaga, at ang Dagat Celebes sa katimugan.

Bunsod nito, 80% ng ating pambansang teritoryo ay binubuo ng karagatan at mayroon tayong 36,289 na kilometro ng baybaying dagat na kasing haba ng sa Australia at higit na mas mahaba sa USA. ‘Di ngayon nakapagtataka ‘di ba kung bakit sadyang kinikilala ang Pinas bilang ehemplo ng isang tunay na bansang pandagat o isang maritime o coastal state.

Sa puntong ito, dapat lamang malaman ng lahat ng Pinoy na wala ni isang bayan o siyudad ang lalayo ng higit sa 100 kilometro mula sa dagat. Animnapu’t dalawa sa pitumpu’t isang mga probinsya natin ang nasa tabi ng dagat. Ang 54% ng ating mga munisipalidad at halos lahat ng mga pangunahing lungsod ay nakalugar malapit sa dagat kung kaya’t 62% ng ating populasyon ay nakatira malapit sa dagat. Lalo tuloy hindi kataka-taka kung bakit ang mga pagkaing dagat o seafoods ang pangunahin nating pagkain. ‘Di ba’t kilala sa halos buong mundo ang Pinas sa pagiging numero uno sa mga seafood lalo na yung mga ihaw-ihaw at yung “ituro mo – iluto ko.”

Ang Pilipinas din ay nabibilang sa pangunahing pandaigdigang lagusan ng mga barkong tumatahak sa Malacca, Singapore, Sunda at Lombok Straits patungo sa West Philippine Sea. Kritikal ang mga lagusan sa loob at tabi ng ating bansa para sa international navigation. Dagdag pa dito, sagana din ang Pilipinas sa yamang dagat at kinikilala ito bilang tanyag na pinanggagalingan ng langis at gas. Kaya’t eto ngayon – tinatanaw ng nakararaming mga eksperto ang Pilipinas na nakalugar sa gitna mismo ng “marine bio­diversity,” sa mundo o ng sari-saring buhay-dagat.

Kaya’t mga katoto ko, uulit-ulitin ko na nasa isang bansang pandagat tayo at tayong lahat ay anak ng dagat. At para mapanatili ang seguridad ng ating karagatan, napakahalaga ng isang malakas at maaasahang Hukbong Dagat na magmamatyag sa ating karagatan.

Kaya’t samahan n’yo kami sa Navy sa pagpapaalam sa lahat ng ating mga kapatid na Pinoy na nasa dagat ang buhay at kinabukasan natin. Kaya natin yan Pinoy!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply