Nasaan ang mga kaibigan at tagasunod ni GMA?

MARAMI ang nagtataka at nagtatanong kung nasaan na ang hukbo ng mga tagasunod na natulungan at pinayaman ng naging Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa loob ng siyam na taon niyang panunungkulan bilang President ng Republika ng Pilipinas.

Tila nagtatago sila o nahihiyang lumantad nang manawagan ng suporta ang kampo ni Gloria sa Twitter, sa Facebook, at mga lansangan na kondena-hin ang diumano’y panggigipit at paghadlang ng pamahalaang Aquino na makapagpamot siya ng luminsad na gulugod sa mga espesyalistang doktor sa ibayong dagat.

Hindi tulad ng nakaraang mga Pangulo na nahubaran ng kapangyarihan ng people power, si Gloria diumano ay walang maipagyayabang na mga loyalistang kaibigan at tagasunod na handang tumanggap ng bala at hambalos ng mga pulis na tagapayapa ng mga rally at demonstrasyon.

Sa may halos 100 milyong Filipino ngayon, ni wala isa mang nagtwit at nagpahayag ng pagkahabag para kay Mrs. Arroyo, maliban sa dating Pangulong “Erap’’ (Joseph Ejercito Estrada) na nagsabi na naaawa siya kay Mrs. Arroyo na nagpakulong at umagaw ng puwesto niya “pagkat walang naaawa sa kanya.’’

Noon daw mawala sa eksena ang yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos matapos mapatalsik sa Malacañang ng People Power I, si Marcos daw ay hindi iniwan ng kanyang mga Loyalist group na tulad ng Blue Ladies  at hindi  mabilang  na  mga  Ilocano loyalists.

Sa katunayan sa kabila ng sinasabing pang-aabuso ng militar sa ilalim ng martial law papalit-palit na naupong kongresista at gobernador ng Ilocos Norte ang dalawang anak ni Marcos (Bongbong at Imee) at nitong bandang huli ay naluklok pa si Bongbong na senador at ang dating First Lady Imelda Romualdez Marcos na diputado ng Ilocos Norte.

Gayundin, noong mapatalsik sa panguluhan ng Republika ang dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada ng People Power II, hindi siya naging nag-iisa pagkat mayroon siyang mga grupo ng loyalista na nanatiling tapat sa kanya. Kabilang na rito ang milyon-milyong bumoto kay Erap noong nakaraang eleksiyon sa panguluhan na naglagay sa kanya sa pangalawang puwesto. Halal ding senador ang anak niyang si Jinggoy at naging senadora si Mrs. Estrada.

Noong nakaraang eleksiyon ay nahalal ang love partner ni Erap na mayor ng San Juan at ang kanilang anak na si JV na diputado ng naturang siyudad.

Ang Erap loyalists din ang naglunsad ng naunsiyaming People Power III na mas malaki sa People Power II ngunit  naging madugo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply