Nilutong P2 bilyong loan sa Pasay City hall (2)

KUNG totoong may P3.2 bilyong pondo ang Pasay City Hall, bakit kinakailangan pang mangutang ni Pasay City Mayor Antonio Calixto at ng buong konseho sa Philippine National Bank?

Hinahabol ba ng mga opisyal ang tumataginting na lima hanggang pitong porsiyentong komisyon na maaaring ipagkaloob sa kanila ng PNB?

Sa halagang P2 bilyon, umaatikabong P100 milyon na komisyon (mula 5 porsiyento) ang puwedeng maibulsa ng mga animal habang magtitiis na namang muli ang mamamayan ng lungsod na mabayaran ang utang na ito sa loob ng maraming taon!

Siyanga pala, sa palagay ko’y kuwestiyunable ang gagawing loan nina Calixto sa PNB dahil ito ay isang pribadong bangko na pag-aari ng business tycoon na si Lucio Tan.

Sana’y sa mga financial institutions ng gobyerno tulad ng Land Bank of the Philippines o Philippine Veterans Bank na lamang sila nangutang at natulungan pa nila ang mga bangko ng ating gobyerno, .di po ba?

Sa naganap na pirmahan noong Huwebes ng hapon, limang executives ng PNB – na pinangungunahan ni Vic Sison – ang kabilang sa mga nagsipirma sa nasabing kontrata.

Ibig sabihin, lutong-luto na ang P2 bilyon loan ng Pasay City sa PNB!
Kinakailangang makarating sa lalong madaling panahon ang isyu na ito sa tanggapan ng  Department of Finance at Commission on Audit para sila na ang magtimbre sa tanggapan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III!

Siyanga pala, sobra raw talaga ang lakas nitong si Mayor Calixto kay Pangulong NoyNoy.

Kung totoo ito, hindi na ako magtataka kung bakit maraming taga-Pasay ang pawang nagsasalita ng hindi kanais-nais laban sa ating Pangulo.

Puro pagmumura ang naririnig ko!

* * *

Paliwanag sa akin sa pamamagitan ng text ni Konsehal Ian Vendivel na “stand-by” loan lang daw ang pinirmahan nilang kontrata sa PNB at gagamitin lamang nila ito para pondohan ang maraming proyektong “nakapila” sa listahan ng city hall.

Ngayon lang ako nakakita ng “stand-by” loan para sa isang maliit na lungsod tulad ng Pasay na ang halaga ay P2 bilyon pa!

Ilang beses na ring nabaon ang lungsod sa ganitong kalaking utang.

Sa pagkakaalam ko ay konsehal pa lang si Calixto ng mga panahong iyon at isa rin siya sa mga konsehal noon na naglubog sa Pasay sa ganitong kumunoy na bilyong utang!

At dahil na rin sa bagong utang na ito, nawala sa hulog ang mga oposisyon sa city council na dapat sana’y pangunahan nitong si Vice Mayor Marlon Pesebre.

Deal or no deal ba ang labanan, vice mayor?

Kutsabahan ba muna sa paggawa ng pera sa mga panahong ito at saka na lang kayo muling mag-away pagdating ng kampanya sa susunod na taon?

Paano na ang mga inaasahan sa inyo ng mga naniniwalang taga-Pasay na ipagtatanggol n’yo ang kanilang mga interes laban sa kawalanghiyaan ng maraming opisyal ng lungsod na pinangungunahan nitong si Mayor Calixto?

Babalewalain n’yo ba ang ibinigay na pagtitiwala nila sa inyong lahat sa City Council?

* * *

Anomang reklamo. komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 09994333437; 0927847-3781 at 092243-46131 o kaya’y mag-e-mail sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply