OFWs ginugulangan ng DFA– Chiz

MISTULANG panggugulang sa overseas Filipino worekrs (OFWs) ang nakikita ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na ginagawa ng gobyerno partikular ng Department of Foreign Affairs (DFA) matapos maglaan lamang ng P150 milyon bilang Distress Nationals Assistance Funds sa kabila ng $16 bilyon ang kinikita nila taun-taon.

Sa pagpapatuloy ng deliberasyon ng badyet ng DFA na umabot sa P10.9 bilyon, sinabi ni Escudero na dapat dagdagan pa ng gobyerno ang inilalaang pondo upang matulungan ang mahgit anim na milyong OFWs na nagtatrabaho sa abroad upang masuklian ang kanilang sakripisyo para sa ating ekonomiya.

Inihain ngayon ng DFA sa Senado ang P150 milyon pondo para sa mga OFW na nangangailangan ng tulong-legal, pagkain, tirahan at pamasahe sa nagigipit sa ibayong dagat.

“It means, the entire government, including Congress, has short changed the OFW since they are infusing $16 billion in annual remittances, but we only give them P150 million funds to help them whenever they need legal assistances, food and shelter abroad,” aniya.

Inamin kasi ni Sen. Franklin Drilon sa deliberasyon ng badyet na base sa datos na ibinigay ng DFA, umaabot sa 19,100 OFWs ang nanakulong sa iba’t ibang bahagi ng mundo dahil sa mga kinahaharap na kaso tulad ng paglabag sa immigration law, pagnanakaw at iba pa.

Mula sa 19,100 OFW, tanging 7,100 lamang ang natulungan ang DFA dulot ng P79 milyon pondong inilaan ng gobyerno sa Distress Nationals Assistance Funds sa kasalukuyang taon, na itinaas ng 83% para sa 2012 kaya umabot sa P150 milyon.

“Lugi talaga ang mga OFWs. Imagine we have just allocated $100 per OFW for assistance, legal or other things such food shelter and repatriation expenses. Kulang talaga, sana dagdagan naman nila,” ayon kay Escudero.

Ngunit, sinabi ni Drilon, maliban sa P150 milyon pondo sa DFA, may nakalaang hiwalay na pondo naman ang  Overseas Workers Welfare Fund Administration (OWWA) upang tulungan ang mga OFW na nagigipit sa abroad, ngunit matutulungan lamang nila ang mga ligal na manggagawa, at hindi ang mga undocumented nationals..

Para naman sa blood money, sinabi ni Drilon na hindi maaaring gumawa ang Kongreso ng partikular na probisyon sa ganitong bagay bagkus maaari itong kunin sa discretionary fund ng Pangulo o mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PSO) na siyang ginawan ng nakaraang administrasyon.

“There is no provision for blood money because we cannot have a provision just for blood money. But it can be source from the Social Fund or Discretionary Fund of the President or from PCSO,” ayon kay Drilon.

Sinuportahan naman ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III ang pananaw ni Escudero dahil nararapat lamang na tulungan ng gobyerno ang nagigipit na OFWs alinsunod sa itinakda ng Migrant Workers Act.

“Last year, hindi naman umabot sa P100 milyon, P79 milyon lang, mabuti ngayon nadagdagan pa, bukod pa sa pondo ng OWWA,” ayon kay Sotto.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply