Oil deregulation law at EVAT sa langis buwagin

MAY tiyak na paraan upang mapagaan ang kalagayan ng gobyerno at mamamayan kaugnay ng napakabigat nang problema sa langis.

Ang totoo, maraming nakasalang na panukala sa Kongreso para rito.

Mayroon ding mga aksyon galing sa Palasyo.

Ngunit walang gumagalaw sa mga ito.

Bakit?

MAIKLING KASAYSAYAN

Noong panahon ni Manong Ferdie, kontrolado ang presyo ng langis at ang pamahalaan ang sumasalag sa kagustuhan ng mga kompanya ng langis na magsamantala.

Nang pinabagsak ng People Power si Manong Ferdie, umalingawngaw na ang kagustuhan ng mga kompanya ng langis na bigyan sila ng buong laya na makapagnegosyo nang hindi pinakikialaman ng gobyerno.

Ang World Bank at International Monetary Fund ang naglakad para rito at nang gustong mangutang ang gobyerno ni Tabako ng nasa $600 milyon, diyan umeksena ang WB at IMF.

Kailangan ang batas pabor sa mga kompanyang langis bilang kondisyon sa pautang ng WB at IMF.

BATAS SA OIL DEREGULATION

Diyan na sa pangungutang nabuo at naipasa nang kasimbilis ng kidlat ang Oil Deregulation Law.

Kakambal ng batas na ito ang pagsasapribado o pag-aalis sa kamay ng gobyerno ang Petron.

Diyan na nagsimulang maging sky is the limit ang presyo ng petrolyo dahil sinasabi ng batas na “deregulated” na ang industriya sa langis.

Nasa kamay na ng mga kompanyang langis ang kapangyarihan sa pagpepresyo at nagagawa nila ito dahil wala na rin sa gobyerno ang Petron na pupuwedeng panlaban sana sa kanila.

Meron namang sinasabi ang batas na kapangyarihan ng gobyerno na kumontrol sa mga ginagawa ng mga kompanyang langis pero wala naman itong silbi.

At nakikita ito sa kainutilan ng Department of Energy na ipagtanggol ang mamamayan sa pananalasa ng mga kompanya ng langis.

BATAS SA LANGIS BUWAGIN

Meron nang panukalang batas para sa pagbubuwag ng Oil Deregulation Law.

Pero magtataka kayo kung bakit inaamag ang panukalang ito sa Kongreso, ke sa Kamara o sa Senado.

Wala ring pagkilos ang Palasyo para sertipikahan na urgent ang panukala.

Mapipilitan ka tuloy na magduda sa interes na buma-balot sa mga nasa Palasyo at mambabatas.

Ang gagaling ng mga ito na magkalkal ng baho sa isa’t isa at gusto pa nilang ipakulong ang isa’t isa, pero ang napakalaking problema sa langis ay dinededma lamang nila.

Anak ng tokwa, bakit nga ba inutil ang gobyerno mula sa Palasyo hanggang Kongreso laban sa mga kompanya ng langis at laban sa problema sa overpriced na petrolyo?

EVAT SA LANGIS BUWAGIN

Meron na ring mga panukalang batas para buwagin ang expanded value added tax sa langis.

Pero katulad ng nagaganap sa mga panukala laban sa Oil Deregulation Law, inaamag din sa Kongreso at Palasyo ang mga ito.

Walang pagkilos ang Palasyo para gawing “urgent” ang panukala.

Wala ring pagdinig na ginagawa sa Kamara at Senado laban sa EVAT.

Muli, lumalabas ang kainutilan ng buong liderato ng pamahalaan laban sa malaking problema sa petrolyo.

ANG PROBLEMA

Diyan sa presyo ng petrolyo nagkakaproblema, mga Bro.

Sa mga pag-aaral ng mga kritiko sa mahal na langis at kainutilan ng pamahalaan sa paglutas sa problema, may overpricing umano ang mga kompanya ng langis na P9 bawat litro sa gasolina at P4 sa bawat litro ng diesel.

Sinasabi naman ng Petron na nagpapatong ang gobyerno ng nasa P15 na EVAT kada litro.

Kung pagsasama-samahin natin ang overprice ng mga kompanya ng langis at EVAT ng gobyerno, nakupo, ang laki niyan.

Sa gasolina, nasa P24 ang halaga ng overprice at EVAT at sa diesel, P19 ang OP at EVAT.
Kung ibabawas ang mga ito sa presyo sa bawat litro ng gasolina at diesel, magkano lang
ang petrolyo?

LAHAT NAGIGING INUTIL NA

Alam ba ninyo kung bakit hindi basta makakilos ang mga pulis na tumupad sa kanilang tungkulin, lalo na sa crime prevention at mabilisang pagkilos laban sa mga kriminal gaya ng riding in tandem at bank robbery?

Wala o kulang ang mga ito sa pambili ng gasolina.

Kung meron man, kulang naman dahil sa napakamahal nga ang petrolyo.

Nabubuwisit na nga rin ang mga pulis na may sariling sasakyan dahil nauubos lang ang kanilang mahal na gasolina sa kanilang mga trabaho na dapat gastusan sana ng pamahalaan.

Sa ibang salita, walang gaanong nagpapatrulya para sa crime prevention at natatakasan sila ng mga gumagawa ng krimen.

Mabuti na lang at mas mabilis ang balang panghabol sa mga kriminal.

Hehehe.

TIGIL O LUGING HANAPBUHAY

Pumunta kayo, mga Bro, sa Navotas Fishport at makikita ninyong nakagarahe lang ang mga barkong pangisda.

Bakit? Nalulugi sila sa mahal na petrolyo.

Bakit nag-aaplay ang mga tsuper ng traysikel at jeepney sa Conditional Cash Transfer ni Dinky Soliman?

Dahil din sa mahal na petrolyo.

Ang mga nasa Palasyo, Senado at Kamara lang ang very happy at paldo.

Bakit? Dahil mahal ang petrolyo.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply