OWWA officials kasuhan – Migrante

HINILING ng grupong Migrante na kasuhan ang mga opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nakatalaga sa ibang bansa bunga ng pagkabigong mai-remit ang ibinayad na membership fees ng overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang punong tanggapan sa Pasay City.

Ayon kay Migrante Middle East regional coordinator John Leonard Monterona, umaabot sa mahigit P21-milyon na nakolekta ng mga opisyal ng OWWA mula sa pagbabayad ng membership fee ng mga OFW mula taong 2010 ang hindi pa rin naire-remit sa punong tanggapan kaya nararapat lamang aniyang panagutin ni OWWA Administrator Carmelita Dimzon ang kanyang mga opisyal na responsable sa kapalpakan.

Sinabi ni Monterona na kung bigo ang mga opisyal ng OWWA sa ibang bansa na mai-remit ang ibinabayad na membership fees ng OFWs, paano nila maipagkakaloob ang serbisyo at programa sa mga manggagawa at sa kanilang pamilya.

Dahil dito, hinimok ni Monterona ang OFWs na huwag munang magbayad ng kanilang membership fees sa mga opisyal ng OWWA sa ibang bansa at isagawa na lamang ang pagbabayad sa punong tanggapan kapag nagkaroon ng pagkakataon na magbakasyon.

Hindi na rin nagtataka ang grupong Migrante kung bakit marami silang natatanggap na reklamo kaugnay sa pagkabigong makakuha ng benepisyo at programa mula sa OWWA ang mga nagbabakasyong OFWs dahil lumilitaw na hindi pa nila nare-renew ang kanilang pagiging miyembro gayung nakapagbayad na sila sa bansang kanilang pinuntahan at pinagtrabahuhan.

Nais din ng Migrante na manghimasok na sa isyu ang Kongreso, partikular ang Senate Committee on Labor at House Committee on OFWs Affairs upang maimbestigahan ang kapalpakan at makagawa ng pag-amiyenda sa batas na magbibigay ng proteksiyon sa pondo ng OWWA.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply