P1.2M pinulot ni Juggling Act

IPINAKITA nina Juggling Act at Gentle Irony na sila ngayon ang kinatatakutang imported horses sa karerahan matapos nilang binibohan ang one, two puwesto ayon sa pagkakasunod sa naganap na Amb. M. Cojuangco Jr. Cup sa Sta. Ana Park sa Naic, Cavite kahapon (Nobyembre 20).

Dinamba agad ni Gentle Irony ang unahan sa largahan subalit hindi ito nakalayo agad dahil kinapitan siya ni Queen Starr na isa ring mabilis sa arangkadahan.

Kaya naman dumiskarte si star jockey Jonathan “Uno” Hernandez na hinete ni Juggling Act.

Pinanood ng tandem na Hernandez at Juggling Act ang kakampi nilang si Gentle Irony sakay si reigning back-to-back Philippine Sportswriters Association, (PSA) jockey-of-the-year awardee Jessie Basilio Guce habang nilulutsa ni Queen Starr.

“Nagpalakas lang muna kami sa tersero puwesto at nag-aabang na rin kung sino ang reremate para pagkinapos si Gentle Irony eh nandito pa rin kami.” masayang sabi ni former PSA, J-O-Y Hernandez.

Papasok ng far turn ay magkapanabayan pa rin sa unahan sina Gentle Irony at Queen Starr habang nananatili pa rin nasa tersero ang winning horse na may distansyang 10 kabayo.

Unti-unting lumapit si Juggling Act sa unahan papasok sa huling kurba upang pagsapit ng rekta ay kunin na nito ang bandera sa kanyang kakamping si Gentle Irony na iniwan ang lumulutsang si Queen Starr banda home turn.

Tinawid ni Juggling Act ang meta ng may apat na kabayo ang agwat sa kakuwadrang Gentle Irony.

Naitala ni Juggling Act ang tiyempong 2 minuto at 5 segundo sa distansyang 2,000 meter upang ibulsa ang P1.2M na premyo habang P450,000 ang dinaklot ni Gentle Irony.

Terserong dumating sa meta si Queen Starr na komopo ng P250,000 at P100,000 ang naiuwi ni Sun Tan Tony.

Sina Juggling Act at Gentle Irony ay pag-aari ni leading candidate para sa horseowner award sa taong ito na si Atty. Narciso Morales na siyang may-ari ng Del Monte Motors at DLTB Bus Lines. Elech Dawa

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply