P2-B utang ng Pasay walang kongkretong programa

WALANG maipaliwanag na kongkretong programa ang “horse lover” – mayor ng Pasay City na si Tony Calixto, ang vice mayor niyang si Marlon Pesebre at ang mga “tuta” nilang konsehal ng lungsod hinggil sa “niluto” nilang P2 bilyon utang mula sa pribadong bangko ng Philippine National Bank.

Para sa inyong kaalaman, “palihim” nilang pinirmahan ang dokumento ng higanteng loan na ito noong nakaraang Huwebes ng hapon sa conference room ng mayor’s office. Kasama sa mga nagsipirma sa nasabing dokumento ang limang top executives ng PNB na pinangunahan ng isang nagngangalang Vic Sison.

Sa ngayon, tanging si Mayor Calixto at Sison lang ang may hawak ng kopya ng mga dokumento ng loan na inaasahang maisasa-katuparan sa susunod na buwan.

Isa ito sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nananatiling “tahimik” hinggil sa isyung ito ang nasabing mga opisyal ng lungsod. Bakit naman kaya?

Ano ba ang ikinukubli nila sa isyung ito at ayaw nilang magbigay ng paliwanag sa kanilang constituents kung bakit biglang-bigla ay napagkasunduan nilang mangutang ng ganoong kalaki?

May kinalaman ba ang mahigit sa P100M komisyon na ibibigay sa kanila ng bangkong nagpautang? Sa kalakaran kasi sa ngayon, limang porsiyento o mas higit pa ang puwedeng ipagkaloob ng bangko bilang komisyon sa nangungutang na mayamang lungsod tulad ng Pasay!

Nasabi kong mayaman ang Pasay City dahil may pondong P3.2 bilyon ito para sa kasalukuyang taon. At inaasahang tataas pa ito dahil sa panibagong koleksyon ng buwis para sa susunod na taon.

Bukod pa rito, wala ring binabayaran na anomang utang sa kasalukuyan ang Pasay City.

Kaya’t walang solidong dahilan na maipaliwanag si Calixto sa mga taga-Pasay kung bakit kailangan nila ang P2 bilyon utang na kinalaunan ay taxpayers ng lungsod din ang magpapasan ng hirap sa pagbabayad. (ITUTULOY)

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply