P31M sa ABB, kinatigan ni Gringo

IPINAGTANGGOL ng isang dating rightist rebel leader ang pagbibigay ng pera ng administrasyong Aquino sa mga rebel group sa bansa dahil ganito ang naging kalakaran kahit noong nakalipas na administrasyon.

Ibinunyag ni Sen. Gregorio Honasan na noong nakipagkasundo ang mga miyembro ng Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa-Soldiers of the Filipino People-Young Officers Union sa administrasyong Ramos noong 1995, nakatanggap sila ng hindi kalakihang pera bilang panimula sa pagbabagong buhay.

“Noong panahon namin mayroong rebel returnee funds, bibigyan ka ng halaga, cash at loan,”wika ni Honasan.

Nakatanggap ng P10,000 cash ang bawat rebel returnee at karagdagang P20,000 bilang livelihood loan para sa higit na 1,000 rebeldeng sundalo na kung kukuwentahin ang kabuuan ay aabot sa higit P30 milyon.

Sinabi ni Honasan na imbes na kunin ng bawat sundalo ang binigay na pera sa kanila ng gobyerno at inipon na lamang nila ito at ginamit na pondo para sa kanilang kooperatiba at foundation.

Ipinagtanggol rin ni Honasan ang P5 milyon ibinigay ni Pangulong Benigno Aquino III sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ang P31 milyon na planong ibigay ng gobyerno sa splinter group na Alex Boncayao Brigade.

“Basta’t makakabuti, makakatulong sa pag-usap ng peace process, ok lang yan,”ani Honasan.

Ipinaliwanag pa nito na kung hindi bibigyan ng gobyerno ng kaunting tulong ang mga rebel returnee bilang panimula sa kanilang pagbabagong buhay, malaki ang posibilidad na bumalik sila sa bundok at ipagpatuloy ang kanilang ipinaglalaban.

“May mga statistics noon na matapos magbalik-loob may mga iilan na bumabalik sa bundok, humahawak uli ng armas dahil inaabot ng gutom eh,” paliwanag ng senador.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply