P448M budget sa condom binaklas ng Kongreso

TULUYAN nang tinanggal ng Kongreso ang isiningit na P448 milyong budget ng gobyerno bilang pambili ng ‘condom’ at contraceptives na isinangkalan na para sa mga senior citizen.

Ayon kay Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, pumayag na ang house panel sa bicameral conference committee na huwag nang ibalik ang nasabing pondo bilang panggastos sa ‘pangangailangan’ ng mga senior citizen.

“Tinanggal na yung siningit nila,” pagbabalita ni Sotto.

Sinabi ni Sotto na ipinaglaban ni Senador Franklin Drilon, chairman ng Senate  committee on finance at pinuno ng Senate panel sa bicameral conference committee na huwag nang ibalik ang nasabing pondo para sa mga senior citizen kung saan pumayag naman ang mga kongresista.

Gayunman, kalahati ng tinanggal na pondo para sa condom at contraceptives na nagkakahalaga ng P224 milyon ay ipinalipat naman bilang karagdagang panggastos sa immunization ng mga bata, habang ang kalahating P224 milyon ay tuluyan nang ipinabura sa budget ng Department of Health (DOH) para sa susunod na taon.

Matatandaan na si Sotto ang nakabisto sa ‘double entry’ ng P 1.75 bilyong budget para sa vaccination ng mga senior citizen sa susunod na taon.

Sinabi ng senador na may nakalaan nang pondo para sa anti-pneumonia at influenza vaccine para sa mga lolo at lola subalit siningitan pa ito ng DOH ng P448 milyon kung kaya lumobo sa P 1.75 bilyon ang panukalang budget para sa bakuna ng 1.1 milyong indigent senior citizens sa bansa.

Duda ni Sotto, hindi gagamitin sa bakuna ang siningit na P 448 milyon kundi para pambili ng condom at contraceptives dahil nasa ilalim ito ng  ‘Family Health and Responsible Parenting’ item ng DOH budget.

“This is the same budget item where the provision for family planning supplies is included,”paliwanag ni Sotto.

“Ibig sabihin ba nito, pati na yung mga senior citizens bibigyan nila ng condom at pills? Hindi naman kapani-paniwala yan”dagdag ng Senador.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply