P448M sa condom ng senior citizens kinapon

HINDI nakaporma sa Senado ang isiningit na P448 milyong pondo ng Department of Health (DOH) bilang pambili ng condom at katulad na kontraseptibo para sa mga lolo at lola na inilagay sa ilalim ng Family health and Responsible Parenting.

Bago tuluyang ipasa ng Senado ang P1.816 trilyong badyet ng pambansang pamahalaan, kinaltas muna ang naturang halaga matapos kuwestiyunin ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III ang pagsingit ng DOH sa pondo sa ibang item ng badyet ng ahensiya.

Nakalagay ang naturang pondo sa item na pambili ng condom at birth control pills na layuning ipamahagi ng ahensiya sa mga lolo at lola na may edad mula 60 hanggang 90.

Sa isinagawang pagbusisi ni Sotto sa panukalang budget ng Department of Health (DOH) para sa 2012, nabuking ng senador ang ‘double entry’ para sa P 1.75 bilyong alokasyon para sa bakuna ng mga senior citizens.

Sa nasabing halaga, P1.3 bilyon ang gagastusin para sa 1.1 milyong indigent ‘senior citizens’ para sa pneumococcal vaccine, influenza vaccine at gastos sa wastage factor, safety collector boxes, epinephrine ampule, tuberculin syringe, syringes at needles, at freight cost.

Natuklasan naman ni Sotto na nagdagdag pa ang DOH ng P448 milyon para sa panggastos sa bakuna ng mga senior citizens at iba pang gastusin at lahat ng ito’y isiniksik sa ‘Family Health and Responsible Parenting’ item ng DOH budget.

“This is the same budget item where the provision for family planning supplies is included,” paliwanag ni Sotto.

Naniniwala si Sotto na palusot lamang ito ng DOH upang sa gayon ay magkaroon sila ng budget para sa Reproductive Health (RH) sa susunod na taon kahit na hindi pa aprubado sa Senado at Kamara ang RH bill.

“Akala nila, makakalusot yung palusot nila,” ani Sotto.

Sa isinagawang pagpapatibay ng panukalang budget ng pamahalaan para sa taong 2012, ang palusot na budget ng DOH para sa mga lolo at lola ay tinanggal ng mga senador dahil na rin sa kanilang pagdududa sa tunay na paggagamitan nito.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply