Pagbabasag ng fluorescent lamps banta sa kalusugan

PARA proteksiyunan ang kalusugan ng mga residente at recyclers, mahigpit nang ipinagbabawal sa isang barangay sa Tondo, Manila ang pagbabasag ng fluorescent lamps na nagtataglay ng nakalalasong mercury.

Ayon sa EcoWaste Coalition, in-adopt ng mga opisyal ng Barangay 105, Zone 8, District 1, ang Resolution 11-25 na nagbabawal sa pagbabasag ng compact fluorescent lamps (CFLs) at iba pang mercury-containing lamps sa kanilang lugar.

Anang grupo, ang informal settlers ay nagbabasag ng mga gamit na fluorescent lamps upang kunin ang mga aluminum at copper parts nito, na kanilang ipinagbibili sa mga junk shop.

Gayunman, nakasasama anila ito sa kalusugan ng isang tao dahil kapag nabasag ang mga naturang fluorescent lamps ay lumalabas din ang taglay nitong mercury.

Paliwanag ng grupo, nakalalason ang mercury at kung malulunok ito, malalanghap at maa-absorb ng balat ay maaaring makapinsala sa utak at central nervous system ng indibidwal na maaaring magresulta sa seryosong karamdaman.

Noong Abril 2011, nagsagawa ng “toxic investigation” ang EcoWaste Coalition at iba pang environmental health groups at natukoy ang mataas na lebel ng mercury vapor sa Sitio Damayan kung saan manu-manong binabasag ang naturang CFLs gamit ang mga martilyo.

Sa bisa ng naturang resolusyon, pagbabawalan na rin ang junk shop operators sa lugar na bumili ng mga aluminum at copper na mula sa hindi tamang pag-recycle ng mercury-containing lamps.

Si Kagawad Marlene Tumbokon, Committee Chairperson on Health, ang nagpanukala ng resolusyon at sinuportahan naman nina Chairman Luisito Reyes, Kagawad Zenaida Aceveda, Kagawad Dan Aliman, Kagawad Federico Conde, Kagawad Maribel Cruz at Kagawad Valentin Vinas, para mabantayan ang kalusugan ng publiko, gayundin ang kalikasan laban sa mga toxic pollutants.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply