Paglala ng sakit ni GMA pinangangambahan

NANGANGAMBA si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na baka lumala pa ang karamdaman ni dating pangulo, ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa patuloy na pagpigil ng Department of Justice (DoJ) sa hinihinging allow departure order (ADO) nito para magpagamot sa abroad.

Dahil dito hiniling ni Revilla sa pamunuan ng DoJ na muling pag-aralan ang kapasyahan na pagbawalan si Arroyo na lumabas ng bansa bunsod ng mga kinakaharap na kasong plunder at election sabotage.

Binigyang diin ng senador na maliban sa nakasaad sa Konstitusyon ang karapatan ng sinuman na maglakbay sa loob at labas ng bansa, ay wala pang nakasampang kaso laban kay Arroyo sa korte.

Pinatunayan naman ni Senate President Juan Ponce Enrile na malala ang karamdaman ni Arroyo dahil personal umano nitong pinuntahan ang dating pangulo sa kanyang bahay.

Ikinuwento pa ni Enrile ang mga nakakabit na braces sa ulo at katawan ni Arroyo na aniya’y nagmistulang robbot kung gumalaw.

Ayon sa pangulo ng Senado, may impormasyon siyang natanggap na hindi naging matagumpay ang operasyon na isinagawa sa dating pangulo kaya kung tatanggalin ang mga nakakabit na braces ay maaari umano nitong ikamatay.

Una na ring kinuwestyon nina Senators Franklin Drilon, Chiz Escudero at Edgardo Angara ang legalidad ng pagbabawal ng DoJ sa biyahe ni Arroyo sa labas ng bansa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply