Pagpapaalis sa LTO media iniutos ng DOTC — Torres

INGINUSO ngayon ni Land Transportation Office (LTO) chief Virginia Torres ang Department of Transportation and Communications (DOTC) bilang “utak” sa pagpapalayas sa mga taga-media na nagko-cover ng LTO.

Sa isang diyalogo sa pagitan ng mga opisyal ng LTO Tri-Media, personal na sinabi ni Torres sa mga mamamahayag na ang DOTC ang may kagustuhan na maging centralized ang mga media kaya’t wala na anyang dapat na taga-media na mamamalagi sa loob ng compound ng LTO.

Tumanggi namang magbigay ng dokumento si Torres sa mga mediamen para makita ang kopya ng utos ng DOTC, na nagpapalayas sa mga LTO beat reporters.

“Wala na akong magagawa,” paghuhugas-kamay ni Torres. “Final na ang desisyon ng DOTC na walang media sa LTO.”

Kaugnay nito, tumanggi rin si Torres na magbigay ng kopya sa media hinggil sa sinasabing report ng Commission on Audit (COA) na magastos ang media sa LTO.

“Kahit na public document ‘yan, hindi kayo maaaring mabigyan ng kopya niyan,” dagdag ni Torres.

Kinondena naman ng naturang grupo ng media ang umano’y “saradong isip” ni Torres.

Ipinaliwanag ng mga mamamahayag na kung walang taga-media sa isang sensitibong ahensiya ng pamahalaan na tulad ng LTO ay hindi ito magiging “transparent.”

Ang “transparency” o pagiging bukas sa kaalaman ng publiko ang isa sa mga pangako ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III nang maluklok ito sa Malakanyang bilang Pangulo ng Pilipinas.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply