Pagpapagamot ni GMA sa abroad tuldukan na

PINATITIGIL na ni Sen. Gregorio “Gringo” Honasan kay Justice Secretary Leila de Lima ang isyu ng pagpapagamot ni dating Pangulo, ngayon Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa ibang bansa.

Ayon kay Honasan, kailangan nang ibigay ni De Lima ang pinal na desisyon nitos a kahilingan ng kampo ni Arroyo na kung papayagan o hindi ang isyung pagpapagamot sa abroad dahil patuloy na nahahati ang ating bansa habang tumatagal.

“Para sa akin, desisyunan na, payagan o hindi. Basta’t huwag nang idribol, wag nang ibitin!” giit ni Honasan.

Binigyang-diin pa ng senador na ang desisyon sa pagpapahintulot o hindi sa pagbiyahe ni Gng. Arroyo ay isang political na desisyon at hindi na dapat isama ang isyung legal tulad ng mga pagdududa nila na baka hindi na bumalik ang dating Pangulo dahil ang mga bansang pupuntahan nito ay walang extradition treaties.

“Nangako naman na babalik, hindi ko naman maintindihan bakit pinahihirapan. Hindi naman ito purely legal eh, political din ito. Pati yung mga kasama kinukuwestyon eh wala namang kaso yung mga kasama. Para sa akin, masama ang panlasa ko dun,” patutsada ni Honasan.

Idinagdag pa nito na kung sakali mang sirain ng dating Pangulo ang kanyang pangako na babalik sa Pilipinas, lalo lamang madaragdagan ang kasalanan niya sa taumbayan dahil sa pagsisinungaling.

Bukod dito, sinabi ni Honasan na mawawalan na rin ng tiwala ang gobyerno sa mga maiiwan na anak ng dating Pangulo tulad nina partylist Rep. Mikey Arroyo at Camarines Sur Rep. Datu Arroyo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply