Pagpasa sa FOI bill binabalam – Honasan

TILA “delay tactics” ang ginagawa ng Malakanyang matapos ipangako na isusumite ang position paper nito sa panukalang Freedom of Information Bill na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natatanggap ng Kongreso.

Ayon kay Senador Gregorio Honasan, nababalam ang muling pagtatalakay ng FOI sa Senado, dahil sa wala pa ang ipinangakong position paper ng Malakanyang.

Sa kabila nito, ginagarantiyahan naman ng senador o chairman ng Senate Committee on Public Information na buhay pa sa senado ang naturang panukalang batas at pursigido ang mga senador na maisabatas ito.

Anang senador, maliwanag na usapan ng Malakanyang, ng Senado at Kamara na magsusumite ang palasyo ng bersyon ng FOI bill matapos ang konsultasyon.

Ipinaliwanag pa ni Honasan na hindi nakatali ang Kongreso sa bersyon ng Malakanyang subalit mas makakabuti na makuha ang inputs nito upang matiyak na hindi ibe-veto ni Pangulong Aquino ang FOI.

Sinabi rin ni Honasan, na makatuwiran naman na maging maingat ang mga mambabatas sa FOI bill dahil hindi lamang ito sa usaping accountabilty at transparency sa transaksyon ng gobyerno, kundi nakataya rin ang national security.

Dagdag pa ng senador na kung maisusumite agad sa lalong madaling panahon ang bersyon ng palasyo, agad itong matatalakay sa plenaryo sa Senado sa unang quarter ng taong 2012.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply