Pagpigil na maka-alis ang mga Arroyo paiimbestigahan ng minorya

NAGKAISA ang 33 miyembro ng minorya sa Kamara de Representantes na maghain ng isang resolusyon para paimbestigahan ang panghaharang ng Department of Justice at mga Immigration officials kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Martes ng gabi, Nobyembre 15.

Ito ay sa kabila ng ipinalabas na temporary restraining order ng Kataas-Taasang Hukuman na nagsasabing ang kautusan ay “effective immediately.”

Sa House Resolution 1901 na pirmado ng mga miyembro ng oposisyon, hiniling ni House Minority Leader Edcel Lagman na agad magsagawa ng pagsisisayat ang House committee on good government and public accountability.

Bukod sa Contempt of court, nais malaman ng mga kongresista kung ano pa ang “admininistrative at criminal liabilities” na nagawa nina Justice Secretary Leila de Lima at Immigration Commissioner Ricardo David, Jr., nang pigilan ang paglabas ng bansa ng dating first couple.

Pagpapaliwanagin din ng mga mambabatas si De Lima at ang mga immigration official kung bakit kailangang i-sequester ang pasaporte ng mag-asawa, pagtanggi na i-proseso ang kanilang travel documents at hind pagpapakita ng dokumento na nagbabawal sa kanilang bumiyahe.

Inirekomenda ng minorya na i-prosecute ang mga nabanggit na opisyal na nagbalewala sa karapatang magbiyahe ng mag-asawang Arroyo.

Samantala, pinaghihinay-hinay din ng kilalang constitutionalist ang administrasyong Aquino dahil sa naturang pagpigil na makapagbiyahe ang dating Pangulo na labag sa desisyong ipinalabas ng Korte Suprema.

Tahasang sinabi ni Manuel M. Lazaro, presidente ng Philippine Constitution Association (PHILCONSA) na hindi katanggap-tanggap ang naging aksyon ng DOJ at Bureau of Immigration na pigilan na makasakay ng eroplano ang mag-asawang Arroyo na magdadala sa kanila sa Singapore kung saan nakatakdang magpagamot si Gng. Arroyo.

Ang Philconsa na kinabibilangan ng mga legal luminaries at expert constitutionalists ay naglabas ng pahayag dahil sa tumitinding iringan sa pagitan ng DOJ at ng pamilya Arroyo.

Nagbabala pa si Lazaro na ang ginawang pagbasura ni De Lima sa TRO ng Supreme Court ay maaaring magresulta sa isang constitutional crisis.

Maaari rin aniyang papanagutin ang DOJ at BI dahil sa paglabag sa “fundamental principle of separation of powers of the three departments of our government.”

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply