Pagpipiyansa ng mga Ligot dinepensahan

MAY karapatan ang mag-asawang Ligot na magpiyansa.

Ito ang paninindigan ng ilang kongresista dahil ito anila ay ginagarantiyahan ng Saligang Batas.

Paliwanag ni House Deputy Majority Leader at Valenzuela Rep. Magtanggol Gunigundo na bagama’t maliwanag sa taumbayan na may anomalyang naganap sa Sandatahang Lakas ng bansa sa panahon ng panunungkulan ni dating AFP Comptroller Jacinto Ligot ay may karapatan pa rin itong maghain ng piyansa para sa sarili.

Aniya, ang tax evasion na kaso ay maaaring gawaran ng piyansa.

Sa panig naman ni AKO BICOL Party-list Rep. Rodel Batocabe, sinabi niyang ginagarantiyahan din sa Konstitusyon ang pagiging inosente ng mag-asawang Ligot hanggang mapatunayan na sila ay nagkasala.

Maging ang abogadong si CIBAC Partylist Rep. Sherwin Tugna ay iginiit na wala naman ng magagawa sa piyansa dahil ito’y isang karapatang pantao na ibinibigay ng Saligang Batas sa mga akusado.

Aniya, ang pagpipiyansa ay karapatan ng mamamayan na dapat respetuhin, kilalanin at sundin.

Paliwanag pa ni Tugna na kung ikukulong naman agad ang mga Ligot ay wala aniya itong ipinag-iba sa pagsuway ng lipunan sa batas ng bansa.

Panawagan na lamang nina Gunigundo, Batocabe at Tugna, ay bilisan ng korte ang paglilitis at paghatol sa mag-asawang Ligot upang makamit na ang katotohanan at maparusahan na ang talagang may sala.

Nanawagan din ang mga mambabatas na humanap pa ng mga matitibay na ebidensya laban sa mag-asawang Ligot upang matiyak na hindi na nila malulusutan ang batas.

Samantala, binigyang diin naman ni Gabriela Rep. Luz Ilagan na dapat nakulong na ang mag-asawang Ligot at hindi na pinayagang makapagpiyansa.

Aniya, kailangang magpakita ng political will ang gobyerno at ikulong ang mga ito.

Maituturing aniyang “big fish” mag-asawang Ligot na hindi dapat basta-basta pinakakawalan ng pamahalaan.

Ani Iligan, madadagdagan ang kredibilidad ng pamahalaan kung sasampulan ang mga Ligot.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply