Pagsasamantala sa okasyon

TUWING sumasapit ang Araw ng mga Patay o Todos Los Santos, maging Araw ng mga Puso, ay sobra-sobrang taas ng presyo ng bulaklak ang bumabaliw sa payak na isipan ng mga Pinoy na gumugunita sa okasyon.

Bakit nga ba nakasanayan na ng mga kababayan natin, partikular ang mga negosyante na magsamantala sa pagkakataon na kumita sa halip na makatulong at makiisa sa ginaganap na pagdiriwang?

Tulad na lang ngayong Undas, karamihan sa atin ay dumalaw sa puntod ng ating mga mahal sa buhay na pumanaw na may dalang bulaklak at kandila bilang pagbibigay pugay at pag-aalala sa kanila.

Lamang, sa mga panahong ito, pagtitipid ang nasa isip ng  bawat isa kaya naman marami at simple lang ang inialay na bulaklak at kandila sa mga sumakabilang buhay na kaanak.

Sa halip nga namang iukol nila sa napakamahal na bulaklak at kandila ang kanilang pera at panahon ay ginawang simple na lang at mas pinagtuunan ng pansin ang pagdarasal para sa namayapa.

May gandang dulot rin naman ang pagtaas ng presyo ng bulaklak at kandila dahil mas magiging taimtim ang pagdarasal ng marami dahil isip nila ay makabawi na lang sa pamamagitan ng dasal.

Subalit kabaligtaran ang dulot nito sa ibang hindi kayang bumili.

Mas nanaisin nilang sa bahay na lang sila magbigay-alaala sa kanilang mga yumao.

Maganda kung maisip sana ng maraming mangangalakal na hindi sila dapat magtaas ng presyo ng kanilang mga paninda upang marami ang makabili at makapag-alay sa mga patay.

Hindi masamang kumita lang ng konti at makapagkawanggawa dahil may kapalit naman itong biyaya mula sa Itaas.

Sabagay, hindi naman masisisi ang mga magtitinda ng bulaklak at kandila dahil mismong ang Department of Trade and Industry ay aminadong tumaas ang presyo ng langis na malaki ang ginagampanang papel sa presyo ng bilihin.

Pero dahilan na ba ito para itaas nang todo-todo ang presyo ng bulaklak at kandila? Bakit kasi hindi mag-sample ang pamahalaan na hulihin at parusahan ang mga nagsasamantala sa presyo ng bilihin, hindi lang sa ganitong pagkakataon, subalit sa lahat ng okasyon.

Ang hakbang na ito ay simula ng pagtahak sa “Tuwid na Landas” na ipinakikilala at ipinagmamalaki ni Pangulong Noynoy Aquino.

Nais ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya,  pamahalaan o pribadong indibidwal? Maaari kayong magtext sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply