Pagtanggi ng MILF na isuko si Asnawi binatikos ng mambabatas

BINATIKOS ni Zambales Rep. Mitos Magsaysay ang pagtanggi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na isuko sa batas si Dan Laksaw Asnawi, deputy commander ng 114th Base Command ng MILF sa Basilan na tinutukoy na may kinalaman sa bakbakan sa Al Barka na nagresulta sa pagkamatay ng 19 na sundalo at anim na miyembro ng MILF.

“Nauna nang sinabi ng MILF na tutulong sila sa gobyerno na makamit ang hustisya para sa mga biktima ngunit bakit ngayon ay napakatigas ng kanilang pagtanggi na iharap sa batas si Asnawi? Mas gugustuhin pa ba nila tumagal pa ang operasyon ng militar para maaresto siya? Hindi ba’t mas madali na isuko na muna ang akusado ng sa gayon at wala nang buhay ay mabuwis?” aniya.

Idinagdag pa ni Magsaysay na kung hindi kayang magtiwala ng MILF sa pamahalaan na mabibigyan ng isang patas ng paglilitis si Asnawi at hindi rin maasahan ng gobyerno ang MILF na tumulong ipatupad ang all out justice para sa mga biktima ng engkwentro ay paano inaasahan ng magkabilang panig na makakapagkasundo sila sa pagkamit ng kapayapaan sa Mindanao?

“Kung sinasabi nila (MILF) na siya ay walang kasalanan, dapat ay patunayan nila ito sa harap ng korte ngunit hindi masisismulan ang paglilitis na hindi siya humaharap sa hukuman, at hindi rin titigil ang gobyerno sa kanilang mga operasyon hanggat hindi siya nahuhuli,” paliwanag niya. “Sana ay maintindihan ng MILF ito at makipagtulungan sa pamahalaan upang mailigtas na ang mga sundalo at mga MILF sa pagkasawi sa tumitinding hidwaan.”

Bukod sa nasabing engkwentro sa Basilan, nasangkot din si Asnawi sa pagpatay at pamumugot sa 14 sundalo sa Al Barka noong Hulyo, 2007.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply