Pakulo ng DOH sa ika-7 bilyon na baby kinastigo

KINASTIGO kahapon (oktubre 31) ng isang mambabatas ang pagbibigay importansya ng Department of Health (DOH) at United Nations Population Fund (UNFPA) sa symbolic seven billionth babies sa buong mundo.

Ayon kay Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, pakulo lamang ito ng mga nagsusulong ng Reproductive Health (RH) bill na naglalayong takutin ang mga tao sa pag-aanak ng marami.

Sinabi ni Sotto na ang ganitong klaseng pakulo ay parang humihilot sa kaisipan ng ating mamamayan na napakarami nang tao sa buong mundo na balang araw ay magiging problema ng sanlibutan.

“Misleading yan, pakulo lang ng mga pro-RH yan, nananakot lang ang mga yan. Kahit 10 billion pa ang tao sa mundo, kahit 20 billion, kaysa pa rin, huwag silang marunong pa sa Diyos,” patutsada ng senador na kilalang anti-RH bill sa Senado.

Ipinaliwanag pa ng mambabatas na sa 94.9 milyong populasyon ng Pilipinas, aabot lamang sa 313 katao ang papasok sa isang square kilometer kumpara sa bansang Singapore na 19,000 katao ang nagsisiksikan sa bawat square kilometer.

Idinagdag pa nito na kahit na ang buong pitong bilyong populasyon ng mundo, kakasya sa estado ng Texas sa Estados Unidos.

“Yung sa Texas, 9,000 per square kilometer seven billion na yun, lahat tayo nasa Texas may pagkain yun sigurado, doble ng pagkain at gamit sa Metro Manila,”paliwanag pa ni Sotto.

Nitong Linggo ng hatinggabi ay sinalubong ng DOH at kinatawan ng UNFPA sa Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila ang isinilang na symbolic seven billionth babies sa buong mundo.

Ang 2.5 kilo na sanggol na si Danica May Camacho, anak ni Camille Dalura Camacho, ay biniyayaan ng iba’t ibang regalo, kabilang na ang scholarship grant para sa pag-aaral ng bata, at livelihood package para makapagpatayo ng sari-sari store ang mag-asawang Florante at Camille Camacho.

Ang Pilipinas ay nasa ika-12 puwesto na sa talaan ng may pinakamaraming populasyon sa buong mundo, ayon na rin sa report ng UNFPA.

Nakasaad pa sa report, na marami sa mga developing country kung saan mas mabilis pa ang paglago ng populasyon kaysa sa pagyabong ng ekonomiya, ang problema pa rin ang reproductive health care.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply