Pamantasan ng Lungsod ng Pasay, may katiwalian din

HINDI lang pala Pasay City Hall ang dapat tutukan ng Special Audit Team ng Commission on Audit.

Ito ang sumbong sa inyong lingkod ng mga katoto natin sa Pasay na pirming nakasubaybay sa serye ng mga pagbatikos ko laban sa mga tiwaling opisyal ng lungsod.

Anila, hindi rin daw pahuhuli ang mga nagpapatakbo ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasay (City University of Pasay) kung anomalya din lang ang magiging basehan ng talakayan.

Aba’y nagulat ako sa aking narinig sapagka’t sa pagkakaalam ko’y tanging sa loob lang ng city hall nagaganap ang kaliwa’t kanang mga anomalya na sa katunayan ay lingid pa rin sa kaalaman ng libu-libong mga botante na “natsubibo” nung panahon ng eleksyon nitong si Mayor Tony Calixto at ng mga “tuta” niyang konsehal ng lungsod.

Tinawagan ko ang mga katoto natin sa city hall para kumpirmahin ang naturang sumbong. Sa bandang huli, iisa lang ang kanilang tugon – totoong may anomalya sa naturang pamantasan.

Ayon sa source ko, multi-milyong pisong pondong nakalap ng pangasiwaan ng pamantasan mula sa tuition fee, uniporme at kung ano-ano pang mga bayarin ng mga estudyante ay walang “financial records.”

Kinumpirma rin ito ng mga katoto natin sa City Treasurer’s Office at sinabing hindi biro ang halaga ng salapi na di nakarating sa kaban ng lungsod.

Ang dahilan? May “annex” ang tanggapan ng cashier ng pamantasan.

Ang orig na cashier’s office ay nagkakaloob ng orihinal na resibo samantalang “talahib” o peke naman ang resibong ibinibigay ng “cashier’s annex.”

Pero hindi lamang daw ito ang dahilan ng pagkawala ng pera ng pamantasan.

Sandamukal din pala kasi ang mga nagsisikuha ng “honoraria” mula rito.

Sa talaan ng general payroll ng deans, department heads, instructors at ng mga miyembro ng board of regents, lumalabas na may kalabisan ang bilang nila. (Itutuloy)

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply