Panis na juice

NAPAKATAAS ng expectations ng bawat customer sa kanilang kinakainan lalo na sa mga mall dahil batid nilang de-kalidad ang pagkain at inumin na inihahain ng mga ito sa hapag.

Totoo nga na napakasarap kumain sa restaurant lalo na sa SM North Edsa sa Quezon City. Nakahilera halos sa 2nd floor ng gusali nito ang iba’t ibang kainan na talagang katakam-takam ang mga pagkain at patok na patok pa sa panlasa ng mga Pinoy.

Weekdays man o weekends puno ng kliyente ang mga kainan sa nasabing lugar at isa sa nasa hilera ng mga nasabing kainan ang Kenny Rogers kung saan paborito ang roasted chicken.

Kalugod-lugod ang pagkain na isinisilbi sa mga tao kaya naman sa tingin pa lang ay busog na ang kumakain.

Subalit ang problema ay sa inuming kanilang isinisilbi na hindi muna nila tinitikman katulad nang nangyari noong Nobyembre 15.

Dahil sa gutom, bukod pa sa paborito ko na kainan talaga ang Kenny Roger’s lalo na kapag nasa SM Manila, mabilis na tinunton namin ng aking Kosa (kaibigan) ang nasabing kainan sa North Edsa.

Maganda ang serbisyo dahil mabilis na naihanda ang in-order naming pagkain.

Nang makatapos kumain, mabilis kong nilagok ang pineapple juice na aking inorder habang four seasons naman ang sa kasama ko.

Hindi ko maintindihan ang lasa ng juice na aking iniinom kaya nakiusap ako sa Kosa ko na tikman ang inumin ko dahil baka masama lang ang panlasa ko dahil sa taas ng “sugar” ko.

Nang namnamin niya ang pineapple juice, hindi lang ito basta maasim kung hindi lasang panis.

Kaya kaagad kong tinawag ang service crew subalit hindi kaagad ito nakapagpasya kaya tinawag ang kanilang dine-in manager na kinumpirmang may “after taste” ang nasabing inumin.

Hindi niya masabing panis ang pineapple juice dahil batid niyang makasisira ito sa kanilang negosyo.

Kaya pinalitan ang aking inumin ng four seasons na rin.

Ang masama nito ay hindi lamang ako ang umorder ng juice na panis pala subalit may mangilan-ngilan din na hindi lang makapagreklamo subalit napuna ang kakaibang lasa ng kanilang hinihigop na pamatid uhaw at pang-alis samid.

Dahil nais maitago ang kahihiyang posibleng kaharapin, hindi man lang nag-effort ang manager ng nasabing negosyo na tingnan ang kanilang customers na nakaorder ng panis nilang inumin. Paano kung nakalason ang panis na juice?

Sabihin nang maarte, pero nang makalabas kami sa nasabing kainan ay hindi ko malaman kung ano ang mararamdaman dahil pakiramdam ko ay kumukulo ang aking tiyan na nasabi ko na baka dahil iniisip ko lang na panis ang nainom kong juice kaya naman kahit katanghaliang tapat ay nagpasya akong umuwi na kaysa tumuloy sa aking lakad.

Nakaiinis isipin na walang kuwenta sa mga may-ari at mga kawani ng nasabing kainan ang kalusugan ng kanilang customers na sa halip na tikman ang mga tirang pagkain at inumin na kanilang itinatago sa refrigerator ay iinitin na lang ito at ihahalo sa mga bagong lutong pagkain at bagong timplang inumin na kanilang ihahain sa mga kliyente.

Kapag ganito ang mga kainan, dapat ay kumilos ang Department of Health at ang city health unit ng local government upang hindi makaperwisyo.

Kailangang inspeksyuning mabuti upang matiyak na malinis at de-kalidad ang mga pagkaing kanilang inihahain dahil hindi naman barya-barya lang ang ibinabayad ng mga customer nila.

Kikilos lang ba ang pamahalaan kapag may mas malaking perwisyo nang nangyari?

Nakaugalian na ng mga kinauukulan na kikilos lang kapag may nangyari nang masama o malala na ang problema.

Dapat sana ay tumanim sa ating isipan lalo na ang mga nasa gobyerno na “prevention is better than cure.”

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal?

Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply