Pasay City Hall (3) tinututukan na ng COA

BAGAY lang na isailalim sa “lifestyle check” ng Office of the Ombudsman ang lahat ng opisyal ng lungsod-Pasay. Siyempre, unang-una sa listahan itong si Mayor Calixto na nahuhumaling sa pangingibang bansa magmula nang maupo noong July 2010.

Kalimitang biyahe niya ay sa bahaging Tsina, partikular sa Macau, at pawang hindi opisyal o walang kinalaman sa kabutihan ng Pasay kundi personal na lakad. Kung ano ang meron at kung ano ginagawa niya sa Macau, si Calixto at ang ka-pamilya lang niya ang mga nakaaalam.

Nitong nakaraang buwan (Oktubre 16-23), isang linggong “namugad” si Calixto sa Queensland, Australia kasama ang dalawang paborito niyang konsehal na sina Richard Advincula at Ian Vendivel, ang kanyang  “adviser for special concerns” na si Gardi Cruz at Manila Rep. Amado Bagatsing.

Ayon na rin sa isang kasama niya sa Australia, namakyaw si Calixto ng mga kabayong pangarera sa ginanap na subastahan sa Gold Coast, Queensland. Nakabili naman daw ang alkalde ng apat na kabayo at ngayo’y nasa rancho na niya sa Batangas.

Mabuti pa nga raw ang mga kabayo at naibibili ni Calixto ng rancho para may pagkalagyan ng maayos samantalang tambak ang mga kapus-palad sa Pasay City na walang matinong masilungan kundi ang kanilang kariton o barong-barong sa gilid ng kalye.

* * *

Sana’y matumbok kaa-gad ng special audit team ng COA kung paano ginastos ni Mayor Calixto at ng mga “respetadong” miyembro ng Konseho ng lungsod ang mahigit sa P50 milyong Pagcor funds na ibinibigay sa lungsod kada taon.

Totoo kaya na may mga proyektong pinagkagastusan ang mga nagsitanggap na opisyales ng lungsod gamit ang donasyon ng Pagcor? Wala bang napunta sa mga bulsa nila?

Tunay na layunin ng Pagcor donations ay ang kapakanan ng mga residente ng Pasay ang at hindi para alagaan o “suhulan”  ang mga pulitikong benepisyaryo sa kadahilanang may mga casinong pinatatakbo ang Pagcor sa loob ng lungsod.

Pero bakit maraming taga-Pasay ang tila bulag hinggil sa taunang donasyong ito sa kanila ng Pagcor. Bakit?

Dalawang bagay lang ito, sagot ng isang katoto kong dyarista. Una, maaring abala lang si Mayor Calixto at ang mga miyembro ng City Council kung kaya’t nakalilimutan nilang ipagbigay-alam sa kanilang constituents ang tungkol sa annual Pagcor donations.

Pangalawa, maaring sadyang inililihim sa taga-Pasay ang lahat ng impormasyon hinggil sa multi-milyong donasyon.

Una na ngang napabalita na ipinapasok muna ang naturang donasyon sa bank account ng isang foundation na kilalang itinatag ng isang mataas na opisyal ng lungsod ng Maynila. ‘Ika nga, pinagugulong muna sa bangko para lumago ang interest.

Kaya’t payo ko sa mga taga-Pasay na walang alam sa Pagcor donations, itanong n’yo ito sa sinomang opisyal ng lungsod na puwede n’yong makitang nagliliwaliw sa mga lugar tulad ng Pagcor Club sa tabi ng Cuneta Astrodome; sa Networld Hotel sa Buendia, Roxas Boulevard; sa Resort World Casino sa Villamor; sa Pagcor Casino-Tagaytay at sa Hyatt Hotel & Casino sa Malate, Maynila.

Nagliliwaliw sila sa kapipinta ng baraha at kapipindot ng mga slot machines.

Muli, para sa special audit team ng COA, galingan n’yo mga bosing dahil maraming nakatutok sa gagawin n’yo!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply