‘Pasko ng Batang Pinoy’ inilunsad ng DSWD

INILUNSAD ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang bago nilang programa na “Pasko ng Batang Pinoy” para sa mga batang kalsada sa Metro Manila (MM).

Layunin ng programa ay mailayo ang mga batang lansangan sa mga panganib na nakaamba sa tuwing susuungin nila ang pamamalimos o pangangaroling sa mga pangunahin at karatig na kalsada upang kumita ng konting barya.

Ang nasabing proyekto ay sinimulan noong ika-15 ng Nobyembre at isasagawa hanggang katapusan ng Disyembre.

“Nakipag-usap na kami sa 17 lokal na pamahalaan (LGUs) sa Kamaynilaan upang matukoy ang mga 1,000 batang lansangan na makikinabang sa proyektong ito sa kanilang pagsali sa iba’t ibang developmental activities sa mga itinalagang activity centers ng iba’t ibang LGUs,” paliwanag ni DSWD-NCR regional director Alicia S. Bonoan.

Pagtitibayin din ng proyekto ang samahan ng pamilya at ipakikita ang diwa ng Pasko sa pamamagitan ng mga aktibidad na magkatuwang na gagawin ng mga kalahok at kanilang mga magulang. Kasama sa mga ito ay ang contest sa paggawa ng belen at parol mula sa mga lokal na materyales ng kanikanilang mga lugar.

Dagdag ni Bonoan na mayroong 24 activity center na binuksan para sa pagsasagawa ng mga developmental activities at pamimigay ng mga tulong sa mga batang lansangan at sa kanilang mga pamilya.

Nakipag-ugnayan na rin ang DSWD sa SM Foundation, SM Corporation, piling non-government offices (NGOs) at iba’t ibang SM mall upang maipakita ng mga bata ang kanilang kakayahan sa pagsayaw at pagkanta ng Christmas carol.

Humihingi rin ng suporta ang DSWD sa publiko upang tumulong sa implementasyon ng proyekto sa pamamagitan ng pagsasagawa ng iba pang aktibidades at pagbibigay ng tulong suporta sa mga activity center upang mailayo ang mga bata sa panganib ng kalsada.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply