Pinas dating astig sa Asya

MUKHANG mabunga ang three day state visit ni South Korean President Lee Myung-bak dahil nagresulta ito sa pirmahan ng ibat-ibang kasunduan na nagpatibay din ng bilateral ties sa pagitan ng bansa natin at SK.

Base sa mga ulat, ang  agreements ay magreresulta ng mga dagdag na “development assistance” ng SK sa bansa na kinabibilangan ng mga grant aid na kilala din sa tawag na utang.

Bagamat tila pabor sa Pinas ang mga nilagdaang mga kasunduan, sa tingin ko ay kailangang tingnan natin ng mas malalim ang implikasyon nito sa pangkalahatang katayuan ng ating bansa.

Sa nangyari kasing mga kasunduan ay parang mas lalong tumingkad ang katotohanan na ang Pinas ay parang anino na lang ng dating sarili nito.

Lumalabas na nanghihingi at umaasa tayo sa tulong ng SK sa halip na tayo ang nagbibigay nito sa kanila at iba pa sa Asya.

Mahirap paniwalaan pero hindi pa nagtatagal o mga 40 taon pa lang ang nakararaan ay isa ang Pinas sa tinitingala at hinahangaang bansa sa buong Asya.

Hanggang noong dekada 60 ay tanging ang Japan lang ang nakalalamang sa atin pagdating sa impluwensiya at ekonomiya.

Sa madaling salita ay ang mga pinoy ang astig noon dahil nga mas mayaman tayo kumpara sa karamihan sa mga ibang bansa sa buong Asya.

Inggit na inggit nga sa atin ang South Korea ng panahong iyon ay nasa kalagitnaan ng giyera laban sa North Korea kung kayat hindi sila umuunlad.

Pero pagpasok ng dekada 70 ay humupa na ang giyera sa pagitan ng dalawang Korea at kasabay naman noon ang pagbulusok pababa nang ating ekonomiya at paglipad naman ng SK.

Ang masakit nito, habang patuloy ang pag-angat hindi lamang ng SK kundi nang iba pang bansa sa Asya, ang Pinas naman ay diretso ang pagbagsak hanggang sa marating natin ang kaawa-awang sitwasyon sa ngayon.

Kulelat na tayo sa lahat ng aspeto mula sa ekonomiya, pulitika, depensa at maging sa palakasan kumpara hindi lamang sa SK kundi maging mga kalapit bansa natin.

Bokya na talaga tayo bilang bansa at masaya na tayong umaasa sa tulong ng iba gaya ng SK, Japan, China, Estados Unidos at marami pang iba.

Maliban na magkaisa tayo bilang lahi malabo nang makuha natin ang dating pedestal na kinalalagyan natin bilang isang nangungunang bansa sa Asya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply